Advertisers
ANG Food and Drug Administration (FDA) ay nangangalap na ng datos kaugnay ng mga Pinoy na fully vaccinated na o nakatanggap na ng dalawang dose ng bakuna pero tinamaan pa rin ng COVID-19.
Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, ipiprisinta nila ang anumang makakalap na datos sa susunod na linggo.
“Kino-collate namin over the weekend itong data natin and we will be presenting it next week. Nakita natin meron naman nagkaroon ng COVID even 2 weeks after the vaccination pero mga mild, walang grabe, walang naospital,” sabi ni Domingo.
Nauna rito, napaulat na mayroong 350 health workers sa Indonesia ang dinapuan pa rin ng COVID-19 kahit naturukan na ng Sinovac na mula sa China.
Dahil sa ulat, marami ang nagduda sa bisa ng naturang Chinese-made vaccine.
Gayunman, ipinaliwanag ni Domingo na kung babasahin ang ulat ng Indonesia ay makikitang bagamat mayroong nagkasakit pa rin kahit bakunado na ay mild cases lamang ang mga ito.
Patunay aniya ito na may proteksiyon pa rin sila mula sa malalang karamdaman o kaya ay kamatayan, na dulot ng virus.
Binigyang-diin rin ni Domingo na simula’t sapul pa naman ay sinabi na nila na hindi naman 100% ang bisa ng mga bakuna ngunit tiyak na magbibigay ito ng proteksiyon laban sa malalang kaso ng sakit.
“Kung babasahin natin ang report sa Indonesia, although meron ngang mga nagkasakit na fully vaccinated pero mild naman ang kanilang COVID-19 kaya nakita natin na meron pa rin siyang protection for severe disease at pagkamatay,” anang FDA chief, sa panayam sa teleradyo.
“Hindi naman 100 percent ang efficacy ng mga vaccines, from the start sinabi naman natin ‘yun kaya lang kung magkakasakit kayo most likely it will be something mild and manageable,” ayon pa.
Samantala, tiniyak rin ni Domingo na ang lahat ng bakuna na ginagamit ngayon sa Pilipinas ay epektibo laban sa labis na nakakahawang Delta variant, na namiminsala ngayon sa India.
Sa ngayon ay tanging ang Pfizer at AstraZeneca ang may datos sa pagiging epektibo ng kanilang bakuna laban sa Delta variant ngunit nagsasagawa na rin ng kanilang sariling pag-aaral ang iba pang vaccine developers.
Sinabi ni Domingo na ang mga bakuna ay epektibo pa rin at nababawasan lamang ang efficacy nito laban sa mutations gaya ng Delta variant.
“Maganda pa rin coverage to prevent severe illness saka pagkamatay sa COVID-19,” ayon pa dito.
Sa pinakahuling datos ng Department of Health (DOH), nakapagtala na ang Pilipinas ng 17 Pinoy na dinapuan ng Delta variant habang mayroon na ring naitala ang bansa na 1,085 Alpha variant cases at 1,267 Beta variant cases. (ANDI GARCIA)