Advertisers
INIHAYAG ni Senator Bong Go na hindi siya mangingiming magsalita na tila isang oposisyon kung ang usapin ay tungkol sa mga isyu ng katiwalian para matalupan ang mga mali at maparusahan ang mga may sala o magnanakaw.
“As a legislator, parte ng mandato ko ang mag-fiscalize at siguraduhin na nasusunod o naiimplementa ang mga batas. Sa mga kasamahan ko sa gobyerno, kahit magka-alyado tayo, basta may mali, magsasalita po ako. Umabot na sa punto na sinabihan ako ng Pangulo na ‘to talk like an opposition’ kapag corruption na ang pinag-uusapan,” ayon kay Sen. Go.
Sa kanyang public address noong Lunes, pinaalalahanan ng Pangulo si Sen. Go na palagi niyang gamitin ang forum sa Senado para ibulgar ang mga maling gawain at mga krimen.
“Hindi po natin bibiguin ang nais ni Pangulong Duterte na gamitin natin ang aking mandato bilang isang Senador para i-expose ang anumang uri ng katiwalian sa gobyerno o kriminalidad sa ating bansa,” ang tugon naman ni Go sa hamon sa kanya ng Pangulo.
“Trabaho ko po ito bilang senador at boses ng mga Pilipino sa Senado,” dagdag niya.
Tiniyak ni Sen. Go sa Pangulo na patuloy niyang susuportahan ang kampanya na masugpo ang malalim na nakabaon o sistematikong korapsyon sa gobyerno.
Kaya naman hinimok ng senador ang mga kapwa manggagawa sa pamahalaan na makipag-cooperate sa mga imbestigasyon para malantad ang mga sangkot sa mga iregularidad.
“Kung walang itinatago, dapat mag-cooperate. Gawin natin ang lahat para malinis ang mga ahensya, mas mapaganda ang serbisyo sa tao at hindi mahawahan ang iba,” ani Go.
“Naniniwala akong meron pa naman diyan na gusto talagang magsilbi with all honesty and integrity kaya hindi ako nawawalan ng pag-asa. Kailangan lang talaga ng mabisang gamot na tatalab talaga upang tuluyang matanggal ang korapsyon sa ating sistema,” pagdidiin ng mambabatas.
Aniya, hindi matatapos ng pagsisiyasat lamang ang mga anomalya sa PhilHealth kung hindi mapapanagot ang mga nasa likod nito.
“Managot ang dapat managot. Ikulong ang dapat ikulong. We should get to the bottom of this deeply rooted and systemic corruption in PhilHealth. Para maitigil ang kalokohan, dapat talaga pilayin ang magnanakaw para hindi na makagalaw,” ani Go.
Tiniyak ni Go na hindi sila titigil ni Pangulong Duterte sa kanilang kampanya laban sa katiwalian.
“Exhausted na po ang ating Pangulo pero hindi po siya titigil na labanan ang corruption until the last day of his term… Hindi siya nagpapapigil at wala siyang pinipili, kakampi man o kalaban. Basta corruption ang isyu, hihiritan at tutuluyan ka niya,” sabi ni Go. (PFT Team)