Advertisers
PASALAMATAN ko muna ang mga nagbigay ng tulong pinansiyal sa mga guro ng San Gabriel Elementary School sa Balangiga, Eastern Samar na sina ATTY. JAY DE CASTRO ng Department of Justice (DOJ), ATTY. JOSE SONNY MATULA, pangulo ng Federation of Free Workers (FFW) at tagapangulo ng NAGKAISA Labor Coalition, ENGR. PRIMITIVO C. VICARIO ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ang PARTIDO MANGGAGAWA (PM), sa pamamagitan ng tagapagasalita nito na si WILSON FORTALEZA.
Ang tulong nila ay ginamit sa produksyon ng learning modules ng mga guro at mag-aaral sa San Gabriel Elementary School para sa learning modules ng kanilang mga mag-aaral.
Nagsimula nang maghanda ang mga guro ng nasabing paaralan dahil hindi pa nakararating sa kanila ang badyet na manggagaling sa Department of Education (DepEd).
Sana, marami pang tumulong sa kanila.
Muli, maraming salamat sa mga taong nabanggit ko.
***
MAYROON na namang inanunsiyo si Education Undersecretary Analyn Sevilla para sa mga guro ng pampublikong paaralan.
Sa Oktubre 5 kung saan simula na ng pasukan ay makatatanggap ng P1,000 ang bawat guro sa mga pampublikong paaralan.
Ito ay incentive sa mga guro para sa World Teacher’s Day sa Oktubre 5.
Malaking bagay na.
Ngunit, makarating kaya ito sa mga guro sa Oktubre 5?
Ito rin ang araw ng pasukan sa elementarya at sekondarya sa mga pampublikong paaralan sa bansa.
Sinabi rin ni Sevilla na makatatanggap din ang mga guro ng P500 upang makapagpatingin sila sa doktor.
Taun-taon nagbibigay ang DepEd ng pera sa mga guro ng pampublikong paaralan para sa kanilang taunang medical check-up na ipinag-utos ng Republic Act 4670, o Magna Carta for Public School Teachers.
Ang tanong: P500 lang ba ang bayad sa medical check-up?
Kayo na po ang sumagot.
Kung totoo ang layunin ng pamunuan ng DepEd, sa pangunguna ni Secretary Leonor Magtolis Briones, na tulungan ang mga guro ay lakihan naman ng DepEd ang ayudang pinansiyal nito sa mga guro sa pampublikong sistema ng edukasyon sa bansa dahil hindi naman malaki ang kanilang buwanang sahod at mga benepisyo kumpara sa mga pulis, sundalo, bumbero at jail officers.
At dapat, makarating ito sa tamang oras kung totoo ang mga ayuda ng DepEd na inaanunsiyo ni Usec. Sevilla.
Hindi iyong napakaliit na nga ang ayuda ng DepEd, napakabagal pa ang paglalabas ng pondo.