Advertisers
Mommy inilibing sa septic tank: Motibo ng pagpatay dinetalye
IDINETALYE mismo ng isa pang anak ng biktima ang ilan pang impormasyon kaugnay sa pagkamatay ng ina na kagagawan ng kanyang kapatid at nobyo nito.
Matatandaan na nitong Hulyo, gumawa ng ingay ang kuwento ng ginang na si Maria Evelyn Sayos na natagpuang naagnas na ang bangkay sa sarili niyang bahay sa Dasmariñas, Cavite.
Pinag-usapan ito dahil isa sa kanyang dalawang anak ang itinuturong suspek sa pagkamatay ng ginang.
Sa pahayag naman ng isa pang anak ni Evelyn na itinago sa pangalang ‘Michael’, naisipan niyang ipagawa ang kusina ng kanilang bahay. At nang tinitibag ang sementadong bahagi ng kanilang septic tank, doon sumambulat ang masakit na katotohanang naroon ang kanyang ‘nawawalang’ ina.
Una raw na nakita ang mga mahahalagang dokumento nito tulad ng mga identification card at pasaporte bago tuluyang mahukay ang naagnas nang bangkay ng ina.
Doon mas lalong lumakas ang ebidensya na may kinalaman ang kanyang kapatid na si Joanna Marie Sayos at kasintahan nitong si Ronald James Ruby sa pagkamatay ng kanilang ina.
Ayon pa kay Michael, huli niyang nakita ang ina nang magpaalam siyang ‘di makakauwi sa bahay upang magawa ang kanyang thesis.
Lumalabas na isang araw lamang nawala noon si Michael at kinabukasan bigla na lamang niyang nalaman sa kanyang kapatid na nagpunta raw sa Singapore ang ina, kungsaan kinutuban si Michael dahil sa hindi naman maayos na nagpaalam ang ina.
Nagawa pa raw umanong gamitin ni Joanna ang social media account ni Evelyn para padalhan ng ilang mensahe si Michael at mapapaniwalang buhay pa ito.
Sinabi ni Michael na madalas pangaralan ng ina ang magkasintahan lalo na at 16-anyos lang si Joanna noong bumuo ito ng pamilya at sa kanilang bahay nakatira ang mga ito kasama ang kanilang anak.
Dagdag ni Michael, isa ito sa dahilan kung bakit hindi maiwasang mapagsabihan ng ina ang magkasintahan lalo na siya parin ang bumubuhay sa mga ito.
Sinampahan ng kasong Murder at Parricide ni Michael ang kanyang kapatid at kasintahan nito.
Kasalukuyan pang nakakalaya sina Joanna at Ronald habang hinihintay ang resulta ng DNA test na siyang maituturing na mabigat na ebidensya sa kaso.(PTF Team)