Advertisers

Advertisers

LIBRENG GADGETS NG MGA GURO AT ESTUDYANTE IDE-DELIVER NA – ISKO

0 418

Advertisers

INANUNSYO ni Manila Mayor Isko Moreno na handa nang i-deliver ng pamahalaang lungsod sa isang linggo ang mga libreng laptops at tablets ng mga guro at estudyante sa lahat ng pampublikong paaralan bilang paghahanda sa planong blended, distant learning sa gitna ng pandemya.

Sinabi ni Moreno na ang ide-deliver na gadgets ay isang complete package na kinabibilangan ng pocket wifi para sa mga guro at SIM cards na mayroong 10GB data allocation buwan-buwan para sa mga estudyante.

Sinabi pa ng alkalde na ang pamahalaang lungsod ay ginagawa ang lahat upang tulungan ang mga estudyante at guro na makaagapay sa ‘new normal’ sa inaasahang pagbabalik ng klase.



Sa ilalim ng estado kung saan ang klase ay gagawin, napansin ni Moreno na mangangailangan ng gadgets ang mga estudyante at guro upang makatulong sa kanila, pero hindi ito kakayanin ng lahat, kaya naman naisipan ng alkalde na magkaloob ng kailangang suporta.

Nauna rito ay inanunsyo ni Moreno na ang pamahalaang lungsod ay naglaan ng P900M para ipambili ng nasa 110,000 tablets at 10,000 laptops para magamit ng mga estudyante sa pampublikong paaralan mula Kindergarten hanggang Grade 12 at gayundin ng mga guro.

Sinigurado ng alkalde na ang napili nilang kumpanya na siyang magsu-supply ng nasabing device ay mayroong sapat na bilang ng service centers upang ma-cover ang warranty, sakaling masira o may depekto ang gadget.

Ang mga gadgets, ayon pa kay Moreno ay magiging bahagi ng city properties at ibabalik ng mga estudyante sakaling tapos na nilang gamitin, upang mapakinabangan naman ng iba pa.

Matatandaan na mismong si Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones ay pinuri si Moreno sa maayos nitong pakikipag-ugnayan sa departamento sa kung anong uri ng gadgets ang dapat gamitin sa implementasyon ng blended learning para sa mga estudyante sa gitna ng pandemic at nalagpasan pa ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang minimum requirements na itinakda ng DepED.



Ayon kay Briones, nagtanong si Moreno at nanghingi ng gabay sa kung anong gadgets ang gagamitin, gayundin ang required features at specifications para ma-meet ang standards na itinakda ng DepEd, dahil marami ang mga nag-aalok ngayon ng mga murang tablets, bunga na rin ng pagkakaroon ng ready market para dito. Sinabi ni Briones na mayroong itinakdang standards tulad ng capacity at functions na kailangang matugunan. (Andi Garcia)