Advertisers
PINAALALAHANAN ng pamunuan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang mga drayber na bumibiyahe sa Maynila gamit ang E-bike na hindi ito pinapahintulutan ng Land Transportation Office (LTO) at ng lokal na pamahalaang lungsod para sa pampublikong sasakyan.
Ayon kay MTPB Chief for Operation Wilson Chan, bago paman magkaroon ng pandemya ng COVID-19 ay may ibinaba nang kautusan si LTO Chief Edgardo Galvante na kahit kailan ay hindi pwedeng gamitin na pampasahero ang E-bike partikular na ang mga N-Wow na kalimitang nakikita sa kalsada.
Bukod dito, ipinagbabawal din ang mga E-bike na bumiyahe sa mga pangunahing kalsada sa Maynila.
Pinayuhan naman ng MTPB, sa pamumuno ni Director Dennis Viaje, ang namamasada gamit ang E-bike na kumuha na lamang ng lehitimong “tri-wheels” na sasakyan upang gamitin nilang pampasada.
Ayon kay Chan, tanging mga lehitimong sasakyang “tri-wheels” na inisyuhan ng Official Receipt at Certificate of Registration (OR/CR) at may driver’s license ang magmamaneho ang maaaring pahintulutan na makabiyahe sa kalsada.
Giit pa ni Chan, ang mga E-bike tulad ng N-Wow ay magagamit pang-pribado lamang at kahit walang lisensiya ang gagamit nito, ngunit hindi sila maaaring bumiyahe sa mga pangunahing kalsada.
Pero bago gamitin ang E-bile ay dapat iparehistro ito sa lokal na pamahalaan. (Jocelyn Domenden)