Advertisers
BANGKAY na nang matagpuan ang katawan ng isang dalagita sa kanal, umano’y pinaslang matapos gahasain ng kanyang masugid na manliligaw, sa bayan ng Barotac, Viejo, Iloilo.
Ang 16-anyos na biktima ay kinilalang si “Jenevee”, senior high school student, at residente ng Brgy. San Lucas, Barotac Viejo.
Nadakip naman ang suspek na kinilalang si Bernard Dumacod alyas “Alog”, 30, tubong Cabuyao, Laguna at pansamantalang naninirahan sa Brgy. San Lucas.
Sa report, Linggo ng umaga (Agosto 16) nang matagpuan ang bangkay ng dalagita sa gilid ng kanal at natatabunan ng mga damo. Nakuha sa lugar ang isang gunting na pinaniniwalaang ginamit ng suspek na pantutok sa biktima.
Lumabas sa imbestigasyon, gabi ng Agosto 15 ay nakita pa ng kanyang ina ang biktima na nasa loob ng kanilang bahay at hindi namalayan ang paglabas nito.
Kinabukasan, nagulat na lamang ang ginang na wala sa kanyang higaan si Jenevee kaya hinanap nila ito.
Unang nakita ang tsinelas ng dalagita sa damuhan. Kaya natunton ang bangkay nito na tinabunan ng mga damo sa gilid ng kanal.
Ilang residente ang nakakita na huling kasama ng biktima ang suspek na naglalakad sa lugar.
Paniwala ng awtoridad, posibleng nanlaban ang biktima sa suspek dahil sa mga bakas ng kalmot sa katawan nito.
Napag-alaman na matagal nang may pagnanasa ang suspek sa biktima.
Depensa naman ng salarin, inalok niyang ihatid pauwi sa bahay ang biktima pero bigla na lamang siyang kinalmot kaya sinakal niya ito hanggang sa mamatay.(PTF team)