Advertisers
Bagama’t ikinalulugod niya ang paghahain ng leave of absence ng anim na regional officers, sinabi ni Senator Christopher “Bong” Go na dapat ilagay sa preventive suspension ang iba pang akusado o sangkot sa anomalya sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) upang mapanatili ang integridad ng pagsisiyasat sa isyu.
“’Yung mga sinasabing involved, dapat mailagay sa preventive suspension para hindi maimpluwensyahan ang imbestigasyon at para hindi pa kumalat lalo ang sakit na corruption sa ahensya,” ayon kay Go.
“Para maitigil ang kalokohan, dapat talaga pilayin ang magnanakaw para hindi na makagalaw,” paliwanag niya.
Ani Go, hindi lahat ay nakikita ng head ng ahensya sa pagsasabing maraming kumikilos na magnanakaw sa ibaba kaya dapat pilayin ang mga ito para hindi na makagalaw, makalusot at makapagnakaw muli.
Sinabi ng senador na hindi matatapos ang pagsisiyasat hanggang hindi nagagamot ang sistematikong korapsyon sa ahensiya at hindi naparurusahan ang mga responsable sa iregularidad.
“Let me emphasize na simula lang ito. Hindi po tayo titigil hangga’t hindi nalilinis ang PhilHealth at walang napaparusahan sa pagnanakaw ng pondo ng PhilHealth na dapat sana ay pinapakinabangan ng ating mga kababayang nangangailangan nito sa panahon ng pandemya. Heads must roll,” dagdag ni Go.
Matatandaang anim na PhilHealth regional officers ang tumugon sa panawagan ni Department of Justice Secretary Menardo Guevarra na maghain ng leave of absence–sila ay sina Paolo Johann Perez ng MIMAROPA region, Datu Masiding Alonto Jr. ng Northern Mindanao, Atty. Valerie Anne Hollero ng Western Visayas, Atty. Khaliquzzman Macabato ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, Dennis Adre at William Chavez.
Idiniin ng senador ang pangangailangan na dapat nang magkaroon ng overhaul at internal cleansing of PhilHealth.
“Kung walang itinatago, dapat mag-cooperate. Gawin lahat para malinis ang ahensya at hindi mahawahan ang iba,” ani Go
Ngunit ani Go, dapat ding ilagay sa preventive suspension ang PhilHealth officials na idinadawit sa katiwalian para maprotektahan ang integridad ng pagsisiyasat ng Task Force sa pamumuno ng Department of Justice.
“I think, ang problema dito, hindi makakagalaw nang maayos ang investigative bodies natin dahil nasa pwesto pa rin ang mga suspects pero hindi sila matatanggal at magkaroon ng preventive suspension,” ani Go.
Nais niyang irebyu ang kasalukuyang polisiya o kaya’y iamiyenda ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees para mapayagan ang preventive suspension bago masimulan ang pagsisiyasat