Advertisers

Advertisers

Naval exercise di natin kailangan salihan

0 282

Advertisers

TAMA ang naging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na di natin kailangang sumali sa mga military exercise ng mga ibang bansa sa South China Sea. Hindi rin ito nangangahulugan na wala na ang ating interes sa pag-aari ng ating teritoryo sa pinagtatalunang bahagi ng karagatan.

Ang sabi nga ng bagong talagang Armed Forces of the Philippines (AFP) chief Lieutenant General Gilbert Gapay, isang malaking desisyong pulitikal ang diskarte ng Pangulo. Hindi naman daw ipinatigil ng Presidente ang kanilang pagpapatrolya at pagbabantay sa lugar na itinuturing natin na sa atin talaga.

Isa rin itong paraan ng Pangulo para manindigan sa kung alin talaga ang ating teritoryo. Ang binitiwan niyang kataga na “kaibigan tayo ng lahat at wala tayong kaaway” ay napaka-inam para maiparating ng may diplomasya sa sinumang aangkin ng ating teritoryo na tayo ay handa sa anumang kahihinatnan ng matiwasay na usapan.



Dahil alam ni Pangulong Dutrerte na ginagawa ng mga super power na bansa ang military exercise sa South China Sea ay para makalikha lamang ng tensiyon. At kailangan, tayo o ang bansa natin ay labas sa mga ganitong pormahan.

Yun ngang pinagpipilitan nating 12 miles distance na pag-aari na natin na di kinikilala ng Tsina ay mahirap nang maabot, at baka isipin pa ng mga Intsik na tayo ay handa nang makidigma sa super power na China.

Ngunit para sa Pangulo, hindi natin kailangan sumama para gumawa ng tensiyon na maaring mauwi lamang sa pandaigdigang digmaan. Mas masakit at mas mahirap na sitwasyon ito para sa ating lahat na mga Filipino. Madadaan naman ito sa magandang usapan o pakikipag-upuan sa mga lider ng Tsina upang talakayin ang alin ba ang talagang atin at alin ang kanila.

Hindi kailanman napagtagumpayan ng binubully ang bully, kundi sa mabuting pakikipag-usapan lamang. Sa upuang usapan, masasabi natin ang lahat ng nararapat na gawin ng bawat bansa. Pihadong maiintindihan tayo ng China sa ganitong paraan.

Mahirap pumorma ika nga kung wala ka namang ipoporma. Di mo sasabayan ang bully sa pangbubully rin dahil hindi ka nga bully. Pero may kakayahan kang ipaintindi sa bully na mali ang kanyang ginagawa.



Ganyan lang kasimple ang style na ipinakikita ni Pangulong Duterte. Parang di naman tayo Filipino kung di natin masakyan ang style na ito. Eh kahit saan tayo dalhin, o kahit saan man mapadpad ang Filipino, pihadong mangingibabaw ito, dahil sa husay at galing – ng pakikisama at pakikipag-kaibigan. Pero hinding-hindi ito pagugulang.