Advertisers
TINATAYANG nasa 100 pamilya na binubuo ng 407 indibidwal ang agad nakatanggap ng ayuda mula kay Senator Christopher “Bong” Go nitong Biyernes matapos masunog ang kanilang mga tahanan sa Lower Taiwan, Doña Soledad Extension, Barangay Don Bosco, Parañaque City.
Namahagi ang opisina ni Sen. Go ng food packs, facemasks, mga gamot, alcohol, gift cards at financial assistance sa ilalim ng estriktong health protocols.
Nagbigay din si Sen. Go ng mga bisikleta at motorcycles backriding barriers na donasyon ng Angkas sa mga piling residente.
“Kita niyo naman ako, ito naka-Amerikana pa dahil may bicam kami, pero nandito po ako para kumustahin kayo. Nandyan po ang mga staff ko, may dala-dalang kaunting tulong sa mga nasunugan diyan sa Parañaque. Alam ko po ang nararamdaman ninyo at sana sa tulong na ibinabahagi namin ay makatulong ito na maitawid kayo ngayon sa inyong sitwasyon,” sabi Go sa isang video call.
“Sa panahon ngayong may pandemya dulot ng COVID-19, mahirap mawalan ng bahay at kagamitan. Kaya kapag may ganitong mga insidente, agaran tayong rumeresponde, kasama ang ilang ahensya ng gobyerno,” dagdag ng senador.
May mga kinatawan din ng government agency na dumalaw sa mga nasunugan gaya ng Department of Social Welfare and Development na namahagi ng cash assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation program.
Ang Department of Trade and Industry at National Housing Authority naman ay nagsagawa ng validation at assessment para sa mga benepisyaryo ng livelihood assistance at emergency Housing Assistance program.
Isinusulong ni Sen. Go ang modernisasyon ng Bureau of Fire Protection sa pamamagitan ng inihain niyang Senate Bill 204 o Fire Protection Modernization Act of 2019 na layong maiayos ang BFP nang sa gayo’y mapagbuti ang pagresponde sa mga sunog, sakuna at kalamidad.
Ayon sa senador, panahon na para ma-upgrade ang pasilidad at ang kakayahan ng mga pamatay-sunog.
“We need to add more services and hiring of additional personnel so we can create a more efficient, prepared and well-equipped BFP that will respond not only to fire incidents but also to calamities, disasters and crisis,” ani Go. (PFT Team)