Advertisers
Patay ang isang mister habang sugatan naman ang kanyang maybahay nang pagsasaksakin habang nakahiga sa Temporary Housing, Tondo, Maynila.
Kinilala ang biktima na si Danilo Patindol Lumihoc, 49, construction worker; habang sugatan si Melanie Canada Canillo, 53, kapwa residente ng Unit 71, Building 15, Temporary Housing, Tondo.
Nakatakas naman ang suspek na nakilalang si Norman Cabsag, 21, residente ng Bldg. 15 Temporary Housing, Tondo.
Sa ulat, naganap ang insidente 9:30 ng gabi sa loob ng bahay ng mga biktima.
Ayon sa report, matutulog pa lamang ang mag-asawa kasama ang kanilang anak na menor de edad nang puwersahang pasukin ng suspek ang kanilang bahay at pinagsasaksak ang biktimang lalaki sa dibdib bago inundayan naman ang ginang sa balikat bago tuluyang tumakas.
Hindi naman sinaktan ang anak ng mag-asawa.
Nagpapatuloy ang follow up operation ng otoridad para sa ikadarakip ng suspek na umanoy isang adik base sa nakuhang impormasyon ng pulisya.
At inaalam na rin ang motibo sa pananaksak. (Jocelyn Domenden)