Advertisers
SAPAGKAT hindi nakikita sa publiko si Rodrigo Duterte, palaisipan ang nagpapatakbo ng gobyerno. Hindi si Duterte na umamin na “inutil” siya. Maliban sa Lunes o Martes ng hatinggabi na lumalabas siya na parang aswang o bampira, hindi makita si Duterte at hindi maalis sa isipan kung siya pa ang nasa timon ng pamahalaan.
May tweet si JD (Laurene II), isang netizen na tinatampukan ng kanyang matinding hinala na wala si Duterte sa timon. Anya: “I have this hunch that not much is being decided by Duterte these days, that most of the things that comes out of Malacanang are actually that of Bong Go’s. The postponement of classes is one of them. Anyone thinks the same?”
Ani John Balucas, isang netizen: “Me too. I think the horrible beast prisidint (sic) has become a puppet in his own backyard. He has lost control of the situation. He has become physically and mentally incapable of good governance. Kapit tuko na lang sa puwesto kasi nasarapan sa power and influence.”
Maraming netizen ang nagpahayag ng kanilang saloobin sa social media na sapagkat hindi kaya ng pangangatawan ni Duterte na magpatakbo ng gobyerno, pinakamaganda ang magbitiw siya ng tungkulin sa pinakamadaling panahon Hayaan ang Pangalawang Pangulo ang magpatakbo ng gobyerrno. Hayaan siya ang umugit sa natitirang halos dalawang taon ng kanyang termino.
May mga pasaring ang mga netizen na si Bong Go na ang nagpapatakbo ng gobyerno. Napansin nila na dinidinig ng tila nababaliw na lider ang bawat suhestiyon ni Bong Go. Mukhang totoo sapagkat si Bong Go ang may access sa kanya.
Nakakapasok sa silid ng halos mabuwang na lider kahit siya ay natutulog. Siya ang may unang bulong sa kanya. Siya ang madalas na kasama. Hindi si Duterte ang nagpapatakbo ng bansa. May mga balita na natutulog lamang ito kapag nasa Malacanang o kahit na sa kanyang tahanan sa Davao City. Hindi na kaya ng katawan ang araw-araw na stress.
Hindi nakakapagtaka na amininin niya na inutil siya, o walang silbi. Hindi dapat ipinagwalang bahala ng Korte Suprema ang petisyon tungkol aa katayuan ng kanyang kalusugan. Karapatan ng bawat Filipino na malaman ang mga detalye ng kanyang kalusugan. Tama si Dino de Leon sa kanyang petisyon sa kataas-taaasang hukuman.
***
MAY katwiran na libakin ang Filipinas ng ibang bansa. Hindi dapat maging maramdamin ang mga lider natin. May basehan na kutyain tayo sapagkat tayo ang gumawa ng dahilan sa kanilang paghamak sa atin.
Dahil sa kapabayaan ng mga naturingang lider, kumalat ang China-Duterte Virus (galing ito sa China at hinayaang kumalat ng gobyerno ni Duterte) sa bansa. Ang Filipinas ngayon ang may pinakamlaking bilang na kinapitan ng sakitsa Timog Silangang Asya. Kaya tayo ang tinawag na sentro ng mapinsalang virus. Hindi ito kataka-taka dahil may batayan.
Hindi lang iyan. Dahil napili ng Rusya (at maging ang China?) na laboratoryo ang Filipinas sa clinical trial ng kanilang pinag-aaralang bakuna, tinatawag tuloy ang Filipinas bilang laboratoryo at ang mga Filipino na “lab rat.” May batayan ang taguri sa atin.
Hindi dapat ipagputok ng butse ang kapalaran ng bansang Filipinas. No mas orcullo, ayon sa mga Castilla. No mas honor. Wala tayong karangalan.
***
MINSAN nagbalitakkan kami ni Dr. Zeus Salazar, isang batikang historyador at akademiko na naging chairman ng Department of History ng UP Diliman. Aniya sa isang post: “Sa simula binigyan ni [Adolf] Hitler ng respeto at muling pagtiwala sa sarili ang mga Aleman sa halip na ilugmok ang dangal at tiwala sa saril at ibenta ang kanilang teritoryo. Kabaligtaran, ibinalik niya ang teritoryong nawala (ng Alemanya) dahil sa (Unang Digmaang Pandaigdig). Di tulad ni Duterte na hindi lamang inaalipusta at pinapatay ang Pinoy; ipinagbibili pa ang pamana ng kanyang mga ninuno. Ang naging fatal mistake ni Hitler ay nakipagdigma pa siya sa ibang bayan pagkatapos para magpalawak ng teritoryo ng Alemanya.
“Ito ang ginagawa ngayon ng malapasistang komunistang Tsina. Nabuo muli ang Tsina dahil.sa henerasyon ni Mao Zedong; ngayon gusto ni Xi Jinping at ng kanyang henerasyon ay mangamkam din ng lupain at karagatan ng may lupain at karagatan, tulad ni Hitler nang nabigyan na ng tiwala at lakas ng loob ang Alemanya. Tungo sa kapahamakan ng kanyang bayan — at ng buong mundo — noong Ikalawang Pandaigdigang Digmaan. Kaya banal na gawain para sa ating mga Pinoy — hindi lamang para sa kaligtasan ng ating bansa kundi lalo’t higit para sa kaligtasan ng buong daigdig — ang kabakahin at sugpuin hindi lamang si Duterte at ang kanyang mafia kundi gayundin at laluna ang Tsina na nagdadala ngayon sa buong daigdig at sangkatauhan sa bingit ng kapahamakan ng giyerang nuklear at Armageddon.”
Narito ang aking opinyon: Laking tuwa ng mga Aleman sa unang taon ng pakikidigma ng Alemanya sa mga karatig bansa sa Europa. Naibalik ang mga nawalang teritoryo at nadagdagan pa ng nalusaw ang Czechoslovakia sa mapa at napunta sa Alemanya ang Sudetenland na noo’y bahagi ng Czechoslovakia. Nawalan ng saysay ang Treaty of Versailles na umalipin sa Alemanya sa pagtatapos ng Unang Digmaang Pandaigdig. Totoo ang sinabi ni Dr. Salazar na maraming nagawa si Hitler upang magustuhan siya ng maraming Aleman. Kasama na rin ang pagpapatatag ng ekonomiya ng Nazi Germany. Dahil nawala ang maraming bayarin, o war reparations, sa ilalim ng Treaty of Versailles, nagkaroon ng maraming salapi ang Alemanya para palakasin ang kanilang Sandatahang Lakas.
Totoong nagkamali si Hitler na maging ambisyoso siya. Nais niyang kamkamin ang malaking bahagi ng Unyon Sobyet. Kaya nakidigma siya sa silangan. Mahirap para sa isang bansa sa Europa na makidigmaan sa silangan at kanluran. Hindi kinaya ng Alemanya na makidigma sa Unyon Sobyet sa silangan at mga bansang demokratiko sa kanluran tulad ng Britanya, Pransiya, at iba pa. Si Duterte ay hindi nakikidigma sa China, ngunit may mga pahiwatig na nais niyang maging lalawigan ang Filipinas ng China. Mukhang diyan papunta ang kanyang pamumuno. Diyan ang direksyon niya – na maging busabos ng China.
***
KASABAY ng kabiguan na sugpuin ang pagkalat ng China-Duterte Virus ang muling paglabas ng mga bayarang troll na ang trabaho ay guluhin ang mga mamamayan na tahimik na nagpapahayag ng kanilang damdamin at saloobin sa panahon ng pandemya. Marami sa account ng mga kumakampi kay Duterte ay peke. Hindi sila totoong tao.
Dahil hindi sila totoong tao, hindi nararapat na sinasagot ang marami sa kanila. Mas maigi na hindi sila pansinin. May solusyon si Dan Mariano, ang batikang mamamahayag. Aniya; “No point in arguing with people who are immune to facts and the truth. Just block them.”
QUOTE UNQUOTE: “Every lawmaker is required to have working knowledge of the Constitution. Or mastery to become a good lawmaker. They should know.” PL, netizen