Advertisers
Napakalaki ng pagbabago ngayon sa buhay ng tao, ‘di lang sa bansa kundi maging sa ibang bahagi ng mundo. Ibang-iba na ang pag-uugali ng mga kabataan ngayon. Hindi na makikita sa kanila ang kababaan ng loob, sa halip, nariyan ang pagiging agresibo at parang walang galang, lalo na kung ihahalintulad sa ating mga nakatatanda na pinalaki sa palo bilang disiplina.
Maaring masasabing bastos at walang galang ang kabataan, subalit kailangan mong magdalawang isip kung sasabihin mo ito o isaisip na lamang dahil talagang napakabilis ng buhay sa panahon ngayon. Hindi mo na mapapansin na iba na talaga ang galaw ng kabataan na nakabase sa teknolohiya. Ito ngayon ang kilos ng kabataan. Hindi nila pansin kung mabilis ang kanilang kilos at walang pakialam sa sinasabi sa kanila. Ang kailangan: Resulta at maibigay ang dapat na maibigay sa tamang oras, kahit sino ang masagasaan.
Sa tulad nating may edad, tinatanawan pa natin ang mararaming rason, kaugalian, at maging ang kulturang madalas na hadlang sa kinabukasan. Ngunit wala na sa panahon ngayon ang ganyang pagtanaw; hindi na nga sila naniniwala sa balik o karma. Ang sa kanila–makasunod sa uso, maibigay ang dapat, at maging masaya dahil ito ang kailangan at dapat gawin.
Katulad sa pamahalaan ngayon, hindi malinaw kung saan ang patunguhan ng asal ni Totoy Kulambo–sa makaluma bang panahon o sa kasalukuyan? Walang malinaw na ipinakikita dahil wala talagang dominanteng ugali ang kinikilos nito na maari nating sabihin na makabago o makaluma. Ang maaari lamang nating sabihin ay wala sa normal ang kilos nito na mababasa at makikita sa ano mang saliksikin. Napansin niyo?
Sa inuusal at kinikilos ng kasalukuyang pamahalaan, hindi ito makitaan ng katinuan, ngunit mas litaw ang pagkakaroon ng kahambugan. Kung may binanggit ang punong ehekutibo na maaring ‘di sapat sa panlasa ng mga opisyales, sasabihin nitong na mis-quote o nagbibiro lang. At sa pagharap naman sa susunod na balitaan, biglang sasabihin nito na totoo ang binabanggit. Kaya naman ngayon, ang mga tao’y hilong-hilo kung ano ang tama o hindi at kung ano ang dapat paniwalaan. Ang malinaw: Wala sa tamang wisyo ang paglalahad ng mga ito. Wala tayong pagpupula. Ang binabanggit nating tila normal na sa kanila, hindi na normal para sa bayan at maging sa ating karatig bansa base sa kanilang mga pagbasa sa pahayag ng mga namumunong opisyal ng ating bansa.
Ang mga kakaibang galaw ni Totoy Kulambo sa mga importanteng okasyong dinadaluhan ang naglalagay sa bansa sa ‘di tamang imahe. Inilalagay nito ang ating mga OFW sa pang-aalipusta ng mga bansang kanilang pinapasukan. Talagang malaki ang epekto ng mga nakikita at naririnig sa pinuno ng bansa sa ating pagka-Filipino. Tamang postura ang kailangan at hindi sapat ang mabuting intension at pag-uugali. Masakit sa atin na sinasabihan tayo, lalo na kung ito’y tumutukoy sa ating pag-uugali dahil sapul ang ating pagkatao. Ang magandang kilos at pagsasalita’y nagbibigay sa atin at sa ating mamamayan ng maayos na pagtrato. Ito ang naging sukatan ng ibang lahi kung anong uri ng pagkatao mayroon tayong mga Filipino.
Silipin natin ang mga OFW. Sila ang pinakamagaling na mga obrero saan man sa mundo. Sa katunayan, ito ang madalas hanapin ng mga mamumuhunan dahil alam nila ang kalidad ng paggawa at hindi problema ang komunikasyon sa mga manggagawang Filipino. Ang mga OFW o ang mga bagong bayani ang nagbibigay ng magandang imahe sa bansa at marami sa kanila ang nagtataguyod upang ipakilala ang bansa sa kanilang bayang pinaglilingkuran. Kaya’t inaasahan ng mga OFW ang pagtaguyod sa tamang pag-uugali at ang maibalik sa kanila ang tamang respeto, saan mang lupalop ng mundo.
Ang ugaling Filipinong may dignidad at may isang salita ang siyang inaasahan sa mga lingkod bayan. Ang larawan na ipinakikita natin sa panahong ito ang magdadala sa atin mga Filipino sa kinabukasan na iginagalang at tinitingala saan man sa mundo. Ito’y possible dahil nagawa na ito ng ilang naunang lider ng bansa.
Ang pag-uugali sa nakaraang panahon at sa kasalukuyan ay talagang magkaiba, subalit naroroon ang tamang asal ayon sa kanilang panahon. Inaasahan ang bawat isa’y mayroong respeto dahil iyon ang tama, ngunit mas mataas ang inaasahan ng taong bayan sa lider na namamahala ng bansa na magkaroon ng tamang pag-uugali, tamang pagsasalita, tamang paguutos, at tamang pag-iisip na dapat nilang ginagawa bilang modelo ng isang Filipino. Ang taumbayan ay nakamasid sa lahat ng kanilang ginagawa at dahil silang namamahala at lider ang halimbawang ating dapat na tinatanawan. Mukhang ayaw na naming sumulong pa ang panahon ngayon dahil sa halimbawang ipinapakita ninyo. Magbago na kayo, pakiusap.
Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malagpasan ang pagsubok na ito, gayun din ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.
***
dantz_zamora@yahoo.com