Advertisers
NASAWI ang 19-anyos na lalaki nang atakihin umano sa puso habang naglalaro ng online game sa computer shop sa San Fabian, Pangasinan.
Kinilala ang biktima na si Erwin Biasura, na naglalaro noon sa computer shop malapit sa kanilang tirahan sa Barangay Lekep, Butao.
Ayon sa kaniyang ama na si Mang Samuel Biasura, bigla na lang natumba si Biasura habang naglalaro.
Nagawa pang dalhin ang binata sa ospital pero hindi na ito umabot nang buhay.
Sinabi pa ni Mang Samuel na laging puyat ang kaniyang anak dahil sa paglalaro nito ng online game.
May sakit din daw sa puso si Biasura at may maintenance na gamot.
“Siguro na-excited siya sa laro, pero kasama na rin ‘yung puyat tsaka ‘yung pagod, dito kasi mainit kasi nasira ‘yung electric fan namin,” ayon sa ama ng biktima.
Sinabi ng lokal na health officer na maaaring maging mitsa ng heart attack ang pagod, puyat at sobrang emosyon.
“Bibilis ‘yung heart rate mo. Dapat iwasan mo ‘yung mga activity na nakakapagod at nakaka-excite,” sabi ni Dr. Jose Quiros, San Fabian Municipal Health Officer.
Mahalaga rin para sa mga may sakit sa puso na magkaroon ng sapat na tulog at pahinga. (Ace Ramales)