Advertisers
SA kulungan ang bagsak ng tatlong lalaki na sangkot sa mga serye ng pangho-holdup sa Pasig at iba pang lugar. Ang mga armas na ginamit ng mga ito ay nadiskubreng toy gun lang.
Kinilala ang mga nadakip na sina Manuel Balverde at Neil Hernandez. Una nang nadakip ang kanilang kasamahang si Christian Salcedo.
Sa ulat, makikita sa CCTV ang pangho-holdup ng tatlong armadong lalaki sa isang convenience store sa nasabing siyudad, kung saan nilimas nila ang pera sa kaha.
Makalipas ang ilang araw, natunton ng Pasig City Police at Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang safe house ng grupo sa Taytay, Rizal.
Wanted ang mga suspek sa kasong carnapping at sa robbery holdup sa Pasig.
Tina-target ng grupo ang mga papasok sa trabaho tulad ng mga call center agent, ayon kay Police Colonel Moises Villaceran, hepe ng Pasig City Police.
Bukod dito, nambiktima rin ang mga suspek ng mga estudyante.
“Mostly look-alike ng bereta na .9mm. And based sa victim ito ‘yung baril na ginamit sa kaniya nang pinalo siya tsaka nakita niya na parang tinutukan siya,” sabi ni Villaceran. (Gaynor Bonilla)