Advertisers
ARESTADO ang apat na drug pushers nang makunan ng higit P2.3 milyong halaga ng shabu sa magkahiwalay na buy-bust operations ng Quezon City Police District (QCPD) sa Barangay Matandang Balara, Quezon City at Rodriguez, Rizal.
Ayon kay QCPD Director, General Ronnie Montejo, unang naaresto ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Batasan Police Station 6 sina Maimona Tampipi, 41, ng Mindanao St., Maharlika Village, Taguig City; Alfar Kadil, 29, ng Brgy. Culiat; at Soraya Sali, 18, ng Pandi, Bulacan, sa isang buy-bust operation 10:30 ng gabi ng Miyerkoles sa Luzon Avenue, Brgy. Matandang Balara.
Dinakip ang mga suspek matapos bentahan ng shabu na nagkakahalaga ng P50,000 ang pulis na nagpanggap na buyer.
Nakumpiska rin sa mga suspek ang humigit-kumulang sa 200 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1,360,000 at isang itim na Toyota Avanza na may plakang VR 5656 na ginamit sa transaksiyon.
Samantala, naaresto rin ng mga tauhan ng PS-6 sa isang joint buy-bust operation katuwang ang Rodriguez Municipal Police Station ang tulak na si Caiser Laya Jr., 21, ng Brgy. Culiat, 9:20 ng gabi sa Block 7, Lot 215, Phase 2, Green Breeze Subdivision, Brgy. San Isidro, Rodriguez.
Isang police poseur buyer ang nakabili ng P49,500 halaga ng shabu sa suspek, na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.
Nakumpiska ng mga awtoridad mula sa suspek ang 150 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1,020,000, isang cellular phone at buy-bust money.(Ernie Dela Cruz)