Advertisers
HINDI pa sigurado kung magiging available na sa bansa ang bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pagsapit ng Disyembre.
Ito ang nilinaw ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sa kabila ng ulat na nakabuo na ang bansang Russia ng kauna-unahang COVID-19 vaccine.
“Hindi pa po natin masabi kasi nasa Phase 3 pa lang ng clinical trials. Makikita po natin kung paano magpo-progress ito,” ayon kay Vergeire, sa isang panayam sa telebisyon.
Sinabi ni Vergeire na hinihintay pa nila sa ngayon ang resulta ng trial sa Russian vaccine.
Nauna rito, nitong Martes ay inianunsiyo mismo ni Russian President Vladimir Putin na ang Russia ang naging kauna-unahang bansa sa mundo na nakapag-apruba ng bakuna kontra sa COVID-19, matapos ang wala pang dalawang buwang human testing.
Ayon kay Putin, tinatawag na ‘Sputnik V’ ang naturang bakuna at dinebelop ng Gamaleya Research Institute.
“Hindi pa po nakakapaglabas ng resulta ang Phase 3 ng clinical trials rito (Russian vaccine), although sinasabi nila na maganda at okay naman siya. Kailangang antayin po natin ang magiging resulta,” paliwanag naman ni Vergeire.
Sinabi pa ni Vergeire na bukod sa Sputnik V, ikinukonsidera rin nila ang lima pang posibleng bakuna mula sa ibang bansa, na pawang nasa Phase 3 na rin ng clinical trials.
Sa ngayon aniya ay pinag-aaralan na ng Department of Science and Technology (DOST) kung alin sa naturang anim na bakuna ang pinakamainam para sa Pilipinas.
Batay sa pinakahuling datos ng DOH, mahigit na sa 140,000 ang naitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa, at sa naturang bilang, nasa halos 69,000 na ang nakarekober habang mahigit 2,300 naman ang binawian ng buhay. (Andi Garcia)