Advertisers
DUDULOG na ang Senado sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) para sa pagtunton sa may-ari ng dialysis center na nakatanggap ng mahigit P45 million mula sa PhilHealth sa pamamagitan ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM).
Sinabi ni Senador Panfilo Lacson na ang B Braun Avitum Philippines Inc. sa Benguet ay siya ring pangalan ng healthcare institution na nakatala sa bank transactions noong nagkamali ang PhilHealth sa pag-credit ng P9.7 million via Balanga Rural Bank noong 2019.
Nabatid na ang nasabing dialysis center ay natuklasan din hindi rehistrado sa Securities and Exchange Commission (SEC).
“That’s beyond the power of the Senate. All we can do is to summon the AMLC and kung ibibigay nila sa amin ang details ng account number ay mate-trace natin kung sino ang nag-open ng account na iyon,” ani Lacson.
Hinala ng senador, posibleng may sabwatan mula sa panig ng naturang facility at tauhan ng PhilHealth para sa mga kwestyunableng transaksyon.
Maging ang mga opisyal ng government corporation ay mainam din umano kung mabubuksan ang detalye ng bank records para malaman kung may kaugnayan sila sa mga kaduda-dudang aktibidad.
“Iko-coordinate muna namin kay Atty. [Mel Georgia] Racela who is the executive director [of the AMLC Secretariat], kung sabihin niyang pupuwede and even in an executive session they can furnish us ‘yung kopya ng account details ng account number na na-establish, then we will invite him,” wika pa ni Lacson. (Mylene Alfonso)