Advertisers
ISANG libong relief packs ang ipinamigay ni Sen. Grace Poe sa mga tsuper ng jeepney na grabeng naapektuhan ng COVID-19 pandemic. Mula nang mag-lockdown noong Marso ay hindi na halos nakabiyahe ang mga ito.
“Kapag hindi sila nakabiyahe, wala silang kita. Ganito kalala ang epekto ng COVID-19 sa sektor ng transportasyon,” ani Poe.
Ang mga relief pack ay naglalaman ng bigas, de-lata, noodles, at kape at ipinamigay sa mga leader ng transport federations na siya namang mamumudmod sa kanilang members. Nakatanggap din ang mga leader ng transporation terminals sa Maynila, Quezon City, at Kalookan.
Kasama ang mga volunteer at sarili niyang staff, ang senadora ay nauna na ring nakapamahagi ng mga relief pack sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas sa tulong ng mga institusyon at civic groups. Ito’y para matulungan ang pinakaapektadong sektor ng bansa na nawalan ng kita dahil sa pandemya.
Nitong Miyerkules (Agosto 12) ay nakipagpulong si Poe sa mga group leader sa compound ng FPJ Studios sa Quezon City para alamin ang kanilang situwasyon at humanap ng solusyon sa kakulangan ng pagkakakitaan.
Hindi naman pwedeng mag-work from home ang mga tsuper gaya ng ibang empleyado, wala talaga silang kita hangga’t sila ay tigil pasada. Napipilitan tuloy silang mamalimos sa kalsada para lang may makain.
Dahil limitado lang ang bilang ng mga sasakyan na pwedeng bumiyahe bunga ng quarantine protocols na ipinatutupad, binanggit ni Poe na maaaring makipag-ugnayan ang mga jeepney organization, sa tulong ng national at local governments, sa mga pribadong kompanya na nangangailangan ng serbisyo para sa kanilang delivery business para kahit paano’y kumita ang mga tsuper.
“Ang mga tsuper ng jeepney ang isa sa mga unang naapektuhan ng lockdown pero mukhang sila ang pinakahuling nakakatanggap ng tulong,” dagdag ng senadora.
“Hindi natin pwedeng basta na lang hintaying mawala ang virus habang nagugutom ang mga tsuper at kanilang pamilya. Kailangan nila ng pagkain, pambayad sa renta at sa pag-aaral ng kanilang mga anak,” aniya pa.
Sinabi rin ni Poe na mataman ang pagbabantay ng mga transport groups sa pagtupad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa kanilang pangako na papayagan na ang mga tradisyunal na jeepney na bumiyahe uli.
Sa ngayon ay may 1,500 modern jeepneys sa bansa ang namamasada na, bagama’t limitado ang pwede nilang isakay dahil na rin sa social distancing na ipinatutupad sa gitna ng pandemya. Sa kabuuan ay may 170,000 jeepneys sa bansa, 55,000 rito ay bumibiyahe sa Metro Manila.
“Hindi maikakaila na ang mga modern jeepney ay hindi sapat para sa demand ng mga empleyado ngayon na lakas-loob na nagbalik-trabaho at katuwang sa pagbangon ng ating ekonomiya,” sabi ni Poe.
Idiniin din niya na ang modernization program ng mga PUV na tuluyang magbabasura sa mga traditional jeepney ay hindi makatao sa panahon ngayon ng pandemya. Kailangan din daw ng national at local government units na gamitin ang serbisyo ang mga apektadong PUV para sa kanilang delivery needs, pagbili ng supplies, pagbiyahe ng kanilang mga empleyado, at iba pa.
Ipinaalala rin ni Poe na dapat na siguraduhing COVID-19-free ang mga PUV at ang mga safety at health protocol ay palaging sinusunod. (Mylene Alfonso)