Advertisers
INARESTO ang dalawang Chinese nationals ng mga elemento ng Philippine National Police- Anti Kidnapping Group, habang ligtas na nasagip ang dalawa ring Chinese na kinidnap sa isinagawang operation sa Las Piñas City.
Kinilala ang mga nadakip na sina Weng Zhiting at Cheng Guo. Ang dalawang nasagip na biktima ay sina Jiang Xiao Hao at Li Weizu.
Ayon kay BGen Jonnel Estomo, director ng PNP-AKG, 11:00 ng umaga nang isinagawa ang operation ng mga elemento ng PNP AKG Luzon Field Unit sa Block 5 Lot 11, Louis Vail, Aurelia St, BF Resort Village, Las Piñas City.
Isinagawa ang operasyon nang humingi ng tulong ang isang Yang Lingyu na kinidnap ang kanyang asawang si Jiang Xiao Hao noong Aug. 7, 2020 sa Regency Salcedo, Bel-air, Makati City ng armadong grupo at humihingi ng 500,000 RMB kapalit ng pagpapalaya rito. Nang tumanggi ang pamilya, pinagbubugbog ng mga kidnaper ang biktima.
Nang muling tumawag ang mga kidnaper, nagpasiya ang pamilya ng biktima na magbigay ng 80,000 RMB na ipinadala sa pamamagitan ng Alipay Apps Account na transfer sa account ng mga suspek.
Agad naman nagsagawa ng operation ang mga otoridad matapos makumpirma na pumasok na ang nasabing pera at lokasyon ng biktima at mga suspek.
Ang modus ng mga suspek, mag-alok ng mataas palitan ng Foreign currency sa Piso sa pamamagitan ng online gamit ang Telegram Apps at Alipay Account na mas madali at mabilis kumpara sa mga bangko.
Upang makuha ang tiwala ng bibiktimahin, bibigyan ito ng mataas na rate sa unang transakyon, ngunit sa ikalawang transaksyon ng biktima, kanila na ito kikidnapin at ipapatubos ng malaking halaga.
Kinasuhan ang mga suspek ng Kidnapping for Ransom and Serious Illegal Detentions sa tanggapan ng Department of Justice (DOJ) sa Padre Faura, Ermita, Manila. (Mark Obleada)