Advertisers
POPOSASAN, kakasuhan at hihiyain hanggang sa kamatayan ang sinumang opisyal ng barangay na namumuno at may kaugnayan sa iligal na sabong sa kanilang lugar.
Ito ang banta ni Manila Mayor Isko Moreno, kasabay ng kanyang direktiba na beripikahin ang impormasyong nakarating sa kanya kaugnay ng isang chairman ng barangay sa isang lugar sa lungsod kung saan may napakataas na naitalang kaso ng COVID-19 ay nagpapatupada sa lugar na pag-aari nito.
“May sulpot-sulpot na sabong. Pag natiyempuhan namin at nakumpirma kong nagpapasabong ka, poposasan kita, sinasabi ko na sa ‘yo. Ang kahihiyang tatanggapin mo, di mo na ikababangon pa. Puro kayo katalipandasan,”banta ni Moreno.
Idinagdag pa nito na: “Me panganib na nga eh, puro pa kayo sugal. Makakati pala palad nyo eh di itabi n’yo ‘yan, kamutin n’yo sa pader.”
Sinermunan din ni Moreno ang mga padre de familia na kasali sa iligal na tupada at sinabing hindi na naawa sa kanilang pamilya na wala ng makain pero nagagawa pang magsugal.
Binigyang diin ng alkalde na hindi humihinto ang pamahalaang lungsod sa kampanya nito kontra sa mga iligal na gawain kabilang na ang sugal.
“Kinukumpirma ko lang. Gusto n’yo ulit masubukan baka akala nyo nagpapabaya kami. Ayokong nagkakahiyaan hangga’t maari. Kita n’yo, ang haba ng pasensiya at pang-unawang binibigay natin dala ng hirap ng tao pero ‘yung ibang nagsisiga-sigaan, sa mismong bahay mo chairman, sa harapan ng pamilya mo makakatikim ka ng posas,” pagdidiin ng alkalde.
Ayon kay Moreno, ang chairman na hindi muna pinangalanan ay ginagamit ang mismong pag-aari niya upang pagdausan ng iligal na sabong sa lugar na nasasakupan niya kung saan nakapagtala ng mataas na kaso ng coronavirus infection.
Umaasa ang alkalde na ang ulat na nakarating sa kanya ay hindi totoo dahil kung ito man ay totoo ay tiyak na masasampolan aniya ito ng batas lalo na’t isa itong chairman at lider ng barangay at bahagi ng lokal na pamahalaan.
Sa halip na magsugal ay pinayuhan ni Moreno ang mga residente na gamitin na lamang ang pera sa pagbili ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain.
Ayon sa alkalde ay labis niyang ikinalulungkot ang pagwawaldas ng pera ng mga sugarol na ito sa panahong mahirap kumita ng pera dahil sa pandemya bukod pa sa nakakapag-ambag pa ang mga ito sa pagkalat ng COVID-19 dahil sa pagkukumpulan ng mga taong nanonood ng tupada. (ANDI GARCIA)