Advertisers
INIHIRIT ni Senate Committee on Health Chairman Christopher “Bong” Go na kailangan ng institutional reforms sa PhilHealth upang maresolba ang kontrobersiya sa ahensiya.
Kaugnay nito, isinulong ni Go ang preventive suspension ng mga PhilHealth officials na akusado sa malawakang korapsyon para maprotektahan ang integridad ng imbestigasyon na isasagawa ng Task Force na pangungunahan ng Department of Justice.
Sinabi ni Go na hindi makakagalaw nang maayos ang imbestigasyon habang nasa puwesto pa rin ang mga suspect bagamat hindi naman nangangahulugan na matatanggal agad ang mga ito.
Isinulong din ni Go ang pagrebyu sa polisiya ng ahensiya at tignan ang posibilidad na maamyendahan ang Code of Conduct and Ethical Standards of Public Officials and Employees para maisakatuparan ang preventive suspension bago ang pagsisimula ng imbestigasyon nang maiwasan na maimpluwensyahan ito.
Matatandaang noong nakaraang taon ay hiniling na ni Go sa Commission on Audit ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa PhilHealth kung saan dapat isumite sa Ombudsman ang findings nito.
Samantala, tiniyak naman ni PhilHealth President and CEO Ricardo Morales na handa siyang makiisa sa imbestigasyon ng Task Force. (Mylene Alfonso)