Advertisers

Advertisers

AND KNK tutulong sa online Internet learning ng DepEd

0 357

Advertisers

INSPIRASYON SA BUHAY: “… ‘Pinagpala ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan, sapagkat sila’y ituturing na mga anak ng Diyos’…” (si Jesus sa Mateo 5:9, Ang Tanging Daan Bibliya).

***

ONLINE BLENDED LEARNING, DAPAT SUPORTAHAN: Sana naman ay magtagumpay ang ikinakasang “blended learning” ng Department of Education (DepEd), sa ilalim ng pamamahala ni Education Secretary Leonor Briones, at ang iba pang tipo ng “online distance courses” ng Commission on Higher Education (CHED) at TESDA (Technical and Educational Skills Development Authority) ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.



Bagama’t maraming lumalabas na batikos sa mga sistemang ito, pangunahin na ang kawalan diumano ng kahandaan ng mga guro at mga mag-aaral sa kalakaran ng paggamit ng Internet sa elementary, high school kolehiyo at tech-voc schools, marapat nating suportahan lahat ito dahil ang kinabukasan ng ating mga kabataan at ng buong bayan ang nakataya dito.

***

AND KNK, TUTULONG SA ONLINE INTERNET LEARNING NG DEPED: Sa ganitong layunin, nais magbigay ng tulong ang Simbahang Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo (AND KNK) sa bagong pamamaraang ito ng pag-aaral. Ayon sa Media Committee ng AND KNK, ang mga estudyanteng nahihirapang kumonekta sa Internet sa kanilang lugar ay pupuwedeng magabayan ng AND KNK sa pagtanggap ng mga Internet materials na kailangan nila sa pag-aaral.

Inaanyayahan po natin ang lahat ng mga mag-aaral (elementarya, high school, o kolehiyo) na makipag-ugnayan sa AND KNK sa pamamagitan ng website nito na www.andknk.ph para sa mga hakbang na nakalahad doon para tiyakin ang tagumpay ng kanilang online learning.

***



AND KNK: MGA ABA, PERO PINAGPAPALA NG DIYOS: SSDSNNJ Amen. Bago po natin iwanan ng tuluyan ang ika-pitong patotoo ng Bibliya sa Simbahang Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo (AND KNK) at sa mga kasapi nitong tinatawag na mga Kadugo tungkol sa pagkakapili at pagsusugo sa kanila bagamat sila ay aba ang mga katayuan sa buhay, kailangan po nating tunghayan ang mga pahayag ng Diyos sa Kaniyang anyong si Jesus sa Mateo 5:3-12.

Ang mga bersikulong ito ay tumutukoy sa tinatawag na “beatitudes” sa wikang Ingles. Sa salin ng Bibliya sa Pilipino, ang tawag sa mga bersikulong ito sa Mateo 5 ay “ang mga pinagpala”. Kung ating bubulay-bulaying mabuti ang mga bersikulong ito, makikita natin ang pagiging pinagpala ng mga taong maituturing na aba.

Basahin po natin ang mga ito: “Pinagpala ang mga taong walang inaasahan kundi ang Diyos, sapagkat kabilang sila sa kaharian ng langit. Pinagpala ang mga nagdadalamhati, sapagkat aaliwin sila ng Diyos. Pinagpala ang mga mapagpakumbaba, sapagkat mamanahin nila ang daigdig.

“Pinagpala ang mga may matinding hangarin na sumunod sa kalooban ng Diyos, sapagkat sila’y bibigyang kasiyahan ng Diyos. Pinagpala ang mga mahabagin, sapagkat kahahabagan sila ng Diyos. Pinagpala ang mga may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos.

***

PASUBALI SA MGA WALANG KAPANGYARIHAN: PAGPAPALAIN KAYO NG DIYOS: “Pinagpala ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan, sapagkat sila’y ituturing na mga anak ng Diyos. Pinagpala ang mga inuusig nang dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos, sapagkat kabilang sila sa kaharian ng langit.

“Pinagpala ang mga nilalait at inuusig ng mga tao, at pinaparatangan ng lahat ng uri ng kasamaan [na pawang kasinungalingan] nang dahil sa akin. Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Alalahanin ninyong inusig din ang mga propetang nauna sa inyo.”

Ano ang kaugnayan ng mga bersikulong ito ng mga pinagpalang tao sa pagiging aba ng mga Kadugo ng Simbahang AND KNK? Malaki po, kasi kung bubulay-bulayin nating mabuti, makikita natin na ang mga tinutukoy ni Jesus na pinagpala sa Mateo 5:3-12 ay yung mga may abang katayuan sa buhay.

Halimbawa, sa lipunang ginagalawan ng mga tao, tunay namang kaawa-awa ang mga walang kapangyarihan, ang mga walang yaman, ang mga walang karunungan, at ang mga walang lakas at walang impluwensiya sa lipunan, sa bayan, sa pamahalaan, at sa buong sanlibutan. Itinuturing silang mga yagit at walang halaga.

Pero, yun pala, kung sa kabila ng kanilang kawalan ng lahat ng ito ay natutunan nila ang sumandal at tumawag at tumanggap at sumampalataya sa Diyos, nakikinig at sumusunod sa Kaniyang mga utos, mabibigyan sila ng kakaibang katayuan sa buhay. Ituturing pa rin silang kabilang sa kaharian ng langit, at magkakaroon pa din ng tatlong antas ng kaligtasang mula sa Diyos.

***

KUNG MAHIRAP AT ABA ANG BUHAY, DAPAT MATUTONG MAKINIG AT SUMUNOD SA DIYOS: Ganundin, kung sila ay mamimighati dahil sa kanilang mga nagawang kasalanan, nagsisi at natutong tumalikod sa pagkakasala at nagsusumikap ng makinig at sumunod sa Diyos, mapagkakalooban pa din sila ng Kaniyang kapatawaran. Kasabay ng pagtanggap ng kapatawaran ng Diyos, ang mga nagsisi at tumalikod sa kasalanan ay magagawaran din ng mas maginhawa at matagumpay na buhay.

Samantala, kung ang mga tao ay marunong magpakumbaba sa Diyos at sa kaniyang kapwa, at magiging tapat sila sa kanilang pananampalataya at pakikinig at pagsunod sa mga utos ng Diyos, kasama na ang utos na dapat nilang mamahalin ang ibang tao katulad ng pagmamahal nila sa kanilang sarili, kasama sila sa tatanggap ng lahat ng yaman sa mundo.

Sa lahat ng ito, makikita nating ang pagiging aba ng isang Kadugo ay nag-aakay sa kaniya upang magpakatotoo sa pagiging Kadugo, nagbabasa at nag-aaral ng Mga Batayang Aral ng AND KNK, sumusunod sa mga utos ng Diyos at ng mga pinunong itinalaga ng Diyos sa AND KNK.

Ito ang magiging daan upang makamtan nila ang tatlong antas ng kaligtasan. Ito din ang magsisilbing tuntungan nila upang ganapin ang mga gawain at tuparin ang layunin ng Diyos sa huling kapanahunan. Salamat Sa Diyos Sa Ngalan Niyang Jesus, Amen.