Advertisers
HINDI ako sang-ayon sa inanunsyo ni Pangulong Rody Duterte na mas epektib ang retired military at police generals sa laban kontra coronavirus disease-2019.
Bakit? Ang virus ay science. Hindi ito nakikita ng ating mga mata. Ang makalulupig lang sa virus ay ang mga eksperto sa medisina, ‘di mga retiradong heneral ng military at pulisya.
Ano ang alam ng mga heneral sa virus? Eh kung ang mga rebelde, bandido at terorista nga na nakikita at iilan lang ang bilang ay hindi nila mapuksa-puksa sa tagal na ng panahon, ang virus pa kaya na tanging sa microscope lang nasisilip?
Ano ang gagawin ng militar sa virus? Babarilin? Kakanyonin? Bobombahin? Ulol! ang nagsasabi na kayang lupigin ng militar ang virus. Mismo!
Kung ang mga eksperto nga sa medisina ay hirap makabuo ng mga gamot panlaban sa mabagsik na virus na ito, ang militar pa kaya na walang alam sa panggagamot?
Ilang opisyal na ba ng Inter-Agency Task Force (IATF) kontra Covid-19 na mga retired military general ang dinapuan ng virus, isa na rito ang naka-leave pa ngayon na si DILG Sec. Eduardo Ano.
Hindi natin sinasabi na buwagin ang IATF. Ang sa atin ay dapat mga eksperto sa medisina o virologists ang ilagay rito tulad ng sinasabi ng grupo ng mga duktor, hindi mga retiradong heneral na walang talino sa larangan ng panggagamot. Mismo!
Sinasabi ni Digong na kaya niya inilagay ang mga militar sa gobyerno, sa IATF, ay para sa pakikipagtransak-syon. Anak ng teteng!!! Kailan pa naging negosyante ang militar? Again, sa armas ang expertise ng militar, hindi sa pagnenegosyo at lalong hindi sa medisina.
Bakit hindi ang kanyang bespren na mga negosyanteng sina Dennis Uy, Joey Concepcion at Manny Villar ang pakiusapan makipagnegosasyon sa pagbili ng Covid-19 vaccines sa mga manufacturer sa ibang bansa. Kredibol ang mga taong ito pagdating sa business transactions. Mismo!
Anyway, naiintindihan natin kung bakit ganito na mag-isip ang pangulo. Dala narin siguro ng kanyang edad at mga gamot sa kanyang mga naging karamdaman.
Ang kailangan ngayon ng pangulo ay matitinong advisers para maayos ang napakalaki nang problema ng bansa.
Oo! Hindi na po okey ang Pilipinas na dating tinaguriang ‘Tiger of Asia’ sa ekonomiya.
Ngayon ko naisip ang galing ni dating pangulo Gloria M. Arroyo. Napakaganda ng ekonomiya ng Pilipinas noong panahon niya. Gayundin sa sumunod sa kanyang admi-nistrasyon ni Noynoy Aquino.
Ang 15 years na pamamayagpag ng ekonomiya ng Pi-lipinas under GMA at PNoy administrastions ay bu-magsak sa loob pa lamang ng 5 taon na gobyernong Duterte.
Baon ngayon sa utang ang Pilipinas, nasa P13 trillion na, daming jobless (over 4 milyon), at maraming nagsarang negosyo na ‘di alam kung paano pa makababangon.
Maaring idahilan ng gobyernong Duterte ang pandemya sa Covid-19. Pero bago paman pumutok ang Covid-19 ay bagsak na ang ekonomiya ng bansa, nangutang na ng todo-todo ang gobyerno, nasa 9 trillion na yata noon ang utang ng Pilipinas. Na nadagdahan pa ng 4 trillion plus pagputok ng pandemya.
Ngayon, paano tayo makababangon sa napakalaking problemang ito? Ang sagot ay sa 2022!!!