Advertisers
AAKSYON ang Comission on- Higher Education (CHED) at Maritime Industry Authority (MARINA) sa nabubunyag na diumano’y anolmalya sa Lyceum International Maritime Academy (LIMA) sa Batangas City.
Nakarating na pala sa CHED-MARINA ang mga reklamo kay LIMA Dean Alexander A. Gonzales, kaya bilang regulatory at supervisory authority sa mga maritime institution sa buong bansa ay may mandato ang kagawaran na magsiyasat at magpatupad ng kaukulang regulasyon sa mga akademya.
Ngunit ayon sa isang opisyal ng nasabing ahensya, hindi dapat magbingi-bingihan na lamang ang management ng Lyceum of the Philippines University (LPU)-Batangas sa harap ng mga napapaulat na mga katiwaliang matagal na palang nagaganap sa nabanggit na eskwelahan.
Ayon pa sa naturang opisyal na di nagpabanggit ng kanyang pangalan, ang di karakang pag-aksyon ni LIMA President Peter Laurel laban sa kanyang dean ay maituturing na pagtatakip sa mga kabalbalan ni Gonzales.”Indikasyon ito na may alam si Laurel sa aktibidad ni Gonzales sa kanilang academy”, ang pahayag pa ng CHED-MARINA official.
Kinakailangan lamang na magsumite ng sinumpaang complaint-affidavit o kaya ay personal na dumulog sa nabanggit na tanggapan ang sinumang magulang o ang estudyante ng LIMA para umusad na ang kaso laban kay Gonzales at maging sa LIMA management.
“Hindi po madaling paniwalaan na walang bendisyon ng nakatataas sa LPU-Batangas sa iniuulat na katiwalian sa kanilang academy, lalo pa nga at walang aksyon ang tagapamahala nito”, anang CHED-MARINA officer.
Ibig sabihin pala ng CHED-MARINA, madadawit din sa kaso ni Gonzales si Laurel at ang mga opisyales ng nasabing eskwelahan kung tunay na nagbubulag-bulagan ang mga ito sa mga kabulastugan ni Gonzales.
Ngunit hindi pa man nag-uumpisa ang pagsisiyasat ng CHED-MARINA ay may bagong ulat na namang “style-bulok” sa LIMA si Dean Gonzales na ipinarating sa atin. Labag na naman ito sa panuntunan ng CHED-MARINA. Talunan na naman ang mga magulang at estudyante ng nasabing akademya sa panibagong iniuulat na paglabag ni Gonzales.
Ipinabatid sa SIKRETA na kapag may nakatakdang pag-iinspeksyon diumano ang team ng kagawaran ay nagkakaroon ng “substitution” o nagpapalit ng propesor o instructor si Gonzales. Para palang basketball games ang sistema ng edukasyon sa LIMA?
Kalimitan ay hindi kwalipikadong propesor ang mga nagtuturo ng kaukulang asignatura (subject) doon. Ang isang unqualified faculty na wala namang lisensya ay pangkaraniwang binibigyan ng teaching load ni Gonzales pagkat mababa ang salary grade nito.
Inihalimbawa ng ating source ay ang isa daw 3rd Marine Officer o 3rd mate ay pinagtuturo ng Seamanship 2 at Seamanship 5 na dapat ay itiunuturo ng isang management level officer tulad ng isang Master Mariner.
Ang mga subject na kinapapalooban ng simulator na mandatory namang itinuturo ng isang master mariner ay isang Junior Officer lamang tulad ng Segundo Opisyal (2nd Officer) o Tersero Opisyal (Thirdmate) ang humahawak. Ngunit kapag malapit na ang pagbisita ng CHED-MARINA Evaluation and Inspection Team ay saka lamang pinapalitan ni Gonzales ng isang lehitimong propesor na may management level training tulad ng Kapitan (master mariner) o Chief Engineer.
Kung wala namang available faculty ay kumukuha si Gonzales ng bagong propesor na hindi naman kasalukuyang nagtuturo sa akademya. Muli namang ibinabalik ang teaching assignment sa di kwalipikadong faculty pagkatapos ng evaluation and inspection ng CHED-MARINA.
Paano naman magkakaroon ng kalidad na edukasyon ang mga marino kung tulad ni Gonzales ang magiging dean ng akademya?
Bukod tangi na yatang sina Laurel lamang at ang mga alipores nito sa LPU-Batangas ang di pa nakaka-amoy sa umaalingasaw na kabulukan ni Gonzales?
Nauna nang isiniwalat sa SIKRETA ang pahirap sa mga estudyante at magulang na In-House Policy sa LIMA na ang brainchild ay si Gonzales.
Kahit naman pala hindi mandatory requirement ng CHED-MARINA para isailalim sa In-House Policy ang mga estudyanteng kumukuha ng Bachelor of Science in Marine Transportation at Marine Engineering, ay ipinatupad ito sa LIMA dahil sa matinding paggiit ni Gonzales na ipatupad ito.
Maliwanag na napakalaking karagdagang gastos ito sa mga magulang na nagpapaaral ng kanilang mga anak sa nasabing akademya.
Mantakin nyo mga KASIKRETA, kinakailangan pang mangupahan ng mula sa Php 2,900-Php 4,500 kada buwan sa napakalayong LIMA dormitory sa Brgy. Cuta, Batangas City ang humigit-kumulang sa 700 mga estudyanteng nag-aambisyong makatapos ng kanilang kurso.
Kaya dito na nagkaroon ng marami pa at malawakang scam para kumita ng limpak-limpak na salapi ni Gonzales? Tutok lang mga KASIKRETA at di natin ito tantantanan.
Nagbabalak na pulungin diumano ni Gonzales ang mga magulang ng mga mag-aaral para kontrahin ang mga reklamo laban sa kanya at para mabolatsing na naman ang dati na rin nitong nalinlang na magulang at mag-aaral.
Pinangakuan kasi noon ni Gonzales ang mag-aaral at ang kanilang mga magulang na bago pa man makapagtapos sa In-House Policy ang mga student cadet sa LIMA ay alam na ng bawat isa sa mga ito kung alin ang mga kompanya ng barko ang kanilang sasampahan.
Ngunit nalinaw na pala sa mga apektadong magulang at estudyante ng management ng LPU-Batangas, partikular ay ang Department Chairman, Marine Transportation & Engineering na wala naman pala silang barko at sasakyang dagat para matiyak na maisasakay ang mga nasabing estudyante.
Sa dami ng mga atraso ni Gonzales batay sa sinumpaang salaysay ng nagrereklamo laban sa kanya ay aywan na lang natin kung di pa ito isusuka ni Laurel at ng LPU- Batangas management. Abangan po natin mga KASIKRETA…
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com