Advertisers
NAGISA ang mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) kaugnay ng kanilang listahan ng mga senior citizen kung saan may nakitang mga miyembro na 3-taong gulang at mas mababa pa sa 60-anyos.
Sa pagdinig ng Senado nitong Martes, kinuwestyon ni Senador Francis Tolentino ang listahan na tila binago ng PhilHealth ang klasipikasyon.
Sa presentasyon ni Tolentino, kabilang sa listahan ng mga senior citizen members ng PhilHealth ang isang Mora Dangdang Caramat na sinasabing 18-anyos, at isang Amita Pason Taladbo na tatlong taong gulang lamang.
“There’s a PhilHealth classification of senior citizens below 60 years old. Papano naman po nangyari yung senior citizen ka below 60 years old?” tanong ni Tolentino.
“Dito po sa figures na pinapakita ko, meron po ditong isang senior citizen na 18 years old. Meron po dito three years old, ginawa niyong senior citizen. Three years old lang,” wika ng senador.
Isiniwalat din ni Tolentino na may 40,000 centenarians sa isang rehiyon habang 10,000 centenarians naman sa ibang rehiyon ang nakalista bilang PhilHealth members.
Giit ni Tolentino, panahon na para tiyakin ng state insurer na malinis ang kanilang database.
“So it is possible that we have an overbloated list of members?” he asked. “Kaya ko po binabanggit baka tayo magkaproblema, ‘pag pinatupad po yung national ID system kasi maraming kukunin sa PhilHealth records tapos… pinakamarami po tayo — super centenarian — sa buong mundo?”
“Kailan matatapos yung pagke-cleanse ng records niyo, baka bumoto pa yung iba dito,” saad pa Tolentino.
Depensa naman ni PhilHealth president and chief executive officer Ricardo Morales, pino-proseso na ang paglilinis ng listahan at aminado siyang mahirap itong gawin dahil ang kanilang ahensya ang may pinakamalaking database na 109 milyong members.
“Ang PhilHealth ang may pinakamalaking database, 109 million members at constant ho na nililinis,” tugon ni Morales sa senador.
Dagdag ni Morales, plano ng ahensya na kumuha ng corporate data officer katuwang ang Philippine Statistics Authority (PSA) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) para maayos ang database. (Mylene Alfonso)