Advertisers
Ni BKC
“USAPANG Puso sa Puso, Pusong Pinay” ang adbokasiya sa kasalukuyan ng Philippines Heart Association (PHA) sa selebrasyon ng Women’s Day.
Ang empowered women ang naging tema ng PHA para makibahagi sa awareness campaign na tinampukan ng ilang kilalang celebrities gaya nina Lorna Tolentino, Angel Aquino, Ara Mina, Nina Corpuz at iba pa.
Nagbahagi ang mga nasabing female personalities ng mga ritwal o ginagawa nila upang manatiling malusog ang kanilang pangangatawan.
Ang soon-to-be-bride na si Ara ay napansin sa kanyang pagpayat. ‘Ika nga ng aktres ay kailangan lang daw na gumalaw-galaw.
“Before pandemic pa naman, nagwo-workout ako regularly sa gym. I bike and umaakyat sa bundok. Then nu’ng lockdown nagyoyoga at home with my daughter. I also made sure that I exercise or do physical activity like Zumba or brisk walking sa village,” sey ni Ara.
Sinabi naman ng kapwa mahusay na drama actress na sina LT at Angel na kahit daw nasa lock-in taping sila ay tinitiyak nilang healthy sila.
Tsika ni Angel, mahalaga anya ang pag-eehersisyo, pagkain nang tama tulad ng isda, prutas, gulay at paminsan-minsan ay steak.
Ayon naman kay Lorna, “My favorite physical activity is brisk walking for 30-45 minutes. Sometimes I do swimming and Zumba. Let’s all exercise to keep our heart healthy.”
Si Nina naman na isang TV anchor ay nag-share rin ng importansiya ng paggalaw ng katawan.
Inamin ni Nina sa moderators na sina Drs. Louella Quijano at Mylene Cornel na bagama’t hindi raw siya fitness buff, sinisikap pa rin niyang mapanatili ang healthy balance sa kanyang buhay.
Kasama ang kanyang mister na si Vince Rodriguez at ilang kaibigan ay regular umano silang nagbibiskleta sa palibot ng UP Diliman, sa Lawton sa Maynila hanggang sa Mall of Asia bayside.
Ang mithiin ng PHA ay maging kaisa ang iba pang celebrity endorsers bukod sa mga nabanggit, sa kanilang adbokasiya para matiyak ang pagkakaroon na malusog na puso partikular ang mga kababaihan lalo ngayong panahon ng pandemya.
Nais ding palaganapin ng grupo ang kanilang mga ‘basic rules in life’ tulad ng pagkain ng konti, pagbabawas ng timbang, pagtanggal sa paninigarilyo, pagkontrol sa sugar at cholesterol, at maging physically active gaya sa TikTok.