Advertisers
Sinisisi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang mga local government units na nagpabaya sa pagpapatupad ng health protocols kaya lumobo ang bilang ng covid-19 cases sa Metro Manila at ilang karatig na lugar.
Sa isang panayam, sinabi ni Lorenzana na nag-ikot sila sa mga LGUs na may mataas na kaso ng covid-19 upang alamin kung bakit mataas ang covid-19 cases sa kanilang lugar.
Ayon kay Lorenzana, masyado umanong naging maluwag ang LGUs, dagdag pa ang mga business establishments na nangako ng mahigpit na susunod sa health protocols subalit hindi rin nasunod.
Isa pang pagkakamali ng LGUs ay ang kabiguan ng mga ito na ma-isolate at madala sa quarantine facilities ang mga asymptomatic patients.
Dahil dito, tutulungan ng gobyerno ang mga LGUs na mailikas ang mga asymptomatic patients para madala sa quarantine facilities.
“Ngayon bumaba na ang kaso ang tingin ko kapag ang trend na ito’y nagpatuloy pwede na tayo magbalik sa GCQ provided ma-implement ng LGUS ang health protocols strictly,” ani Lorenzana.
Dagdag pa ng kalihim, hindi na natin kaya mag-lockdown pa dahil hirap na hirap na ang ekonomiya natin.
Ang Metro Manila at ibang karatig lugar ay isinailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine simula Agosto 4 hanggang 18. (Jonah Mallari)