Advertisers
Tutol umano ang Department of Health (DOH) sa pahayag ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na handa na ang Metro Manila na ibalik sa General Community Quarantine (GCQ) sa oras na matapos ang kasalukuyang quarantine status sa loob ng 2 linggo.
Sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa isang press briefing na masyado pang maaga para ideklara na bumaba na ang bilang ng mga bagong COVID-19 cases.
Naging batayan umano ni Sec. Lorenzana sa kanyang statement kung saan kinumpara nito ang higit 6,000 new cases na naitala noong Agosto 4 sa mga kasong naitala kung saan bumaba sa higit 3,000 na lang.
“It’s not just the number of cases that we look for kapag tayo ay nag-assess ng sitwasyon. Tinitingnan din natin yung capacity ng health system. Kapag bumaba ang kaso, tinitingnan din natin kung lumuluwag na ba sa mga ospital? Wala na bang pasyenteng na-admit?” ani Vergeire.
Nilinaw din ni Vergeire na kailangan mapag-aralan mabuti ang resulta ng iba’t-ibang aspeto ng pandemic response upang tiyakin na wala ng mga bagong kaso ng sakit na naitala.
Mariing pinabulaanan ni Vergeire na pagbabasehan ang resulta ng unang Linggo ng MECQ sa magiging kapalaran nito kung mananatili ba o hindi ang quarantine status sa NCR at mga karatig-lalawigan. (Josephine Patricio)