Advertisers
HINDI ako eksperto sa mga sakit dahil hindi naman ako doktor ng medesina.
Doktor ako ng edukasyon, ngunit hindi ko kailanman inako at iginiit na eksperto ako sa edukasyon.
Mahirap maging dalubhasa sa edukasyon, sapagkat ang pagkakaroon ng kaalaman at ang pagiging mahusay na guro ay hindi nagtatapos sa isang panahon.
Hindi dapat tumitigil ang mga guro, o kahit ng mga doktor sa edukasyon, sa pag-aaral at pag-aanalisa sa mga asignaturang kanilang itinuturo sa kanilang mga mag-aaral.
Ang mahalaga, hindi nagpapanggap na alam na alam ang lahat ng bagay.
Sa Pilipinas kasi, napakaraming napakatatalino sa mga isyung naglalabasan at nagpuputukan sa bawat panahon.
Halimbawa, bagsak ang ekonomiya ng bansa, o bagsak ang gross domestic product (GDP) – asahan nagsusulputan ang napakaraming ekonomista.
Pokaragat na ‘yan!
Ngayong nakapasok ang coronavirus disease – 2019 (COVID – 19) sa bansa, nagsulputan ang mga eksperto sa virus.
Mga heneral, abogado, lalo na mga politiko, ay dinaig pa ang mga doktor at nars.
Si Health Secretary Francisco Duque III nga na isang doktor ay hindi gaanong nagpapaliwanag hinggil sa COVID – 19.
Ang sinasabi lang ni Duque ay wala pong katotohanan ang paratang na mayroong korapsyong nagaganap sa Department of Health (DOH) ngayong suliranin pa rin ng bansa ang COVID – 19.
Kaya, nang isailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Mega Manila (Metro Manila, Bulacan, Rizal, Laguna at Cavite) sa “modified enhanced community quarantine” (MECQ) ay ang abogado at politikong si Presidential spokesman Harry Roque Jr. na ang nagpaliwanag media kung bakit ito biglang ipinatupad ng pangulo.
Simple lang naman ang paliwanag ni Roque: Kailangang pigilan ang paglabas ng mga tao mula sa kanilang bahay upang hindi tumaas nang tumaas ang bilang ng mga Filipino na tatamaan ng COVID – 19.
Ang lohika, kung hindi lalabas ng bahay nang hindi mahalaga ang gagawin sa labas ng bahay ay hindi mahahawa sa mga taong mayroong sintomas ng COVID – 19.
Kung totoo ang paliwanag ng tagapagsalita ni Duterte, okey na aksyon ang MECQ.
Ngunit, hindi ako pabor sa literal na pagsasara ng mga negosyo, sapagkat tiyak na sapul ang ekonomiya ng Mega Manila.
At siguradong mayroong direktang epekto sa gross domestic product (GDP) ng bansa ang pagpapatigil sa maraming negosyo sa Mega Manila dahil mahigit 60 porsiyento ang ambag nito sa GDP ng bansa.
Ang masama sa pagpapahinto ng mga negosyo ay marami ang mawawalan ng kita, lalo na ang mga maliliit na mga negosyante.
Ngayong MECQ, okey lang na bukas ang mga negosyong tulad ng parlor, barbershop, hardware, pagawaan ng bisekleta o motorsiklo basta ang mahalaga ay tiyakin ng mga may-ari nito na mayroong sila at ang kanilang mga empleyado na mayroon silang face mask, face shield at regular na nasusunod ang social distancing.
Huwag ding patigilin ang byahe ng mga pedicab, tricycle, taksi, dyip, bus at grab basta ipinatutupad ang health protocols laban sa COVID – 19.
Ipasara o patigilin na lang sila kapag lumabag sa mga alituntunin ng MECQ upang magtanda.
Tanggalan ng business license ang mga establisimiyento kapag nahuling hindi sumunod ang mga may-ari at empleyado ng mga ito.
Tanggalan ng driver’s license at prangkisa ang mga tricycle, dyip, taksi, bus at grab kapag benalewala ang mga alituntunin ng MECQ.
Hindi naman magandang sumadsad nang todo ang GDP ng bansa pagkatapos ng MECQ sa Agosto 18.
Mahirap din namang walang pera ang mga tao.
Obligadong balansehin ang pagiging ligtas sa COVID – 19 at ang buhay ng mamamayang Filipino, kabilang na ang mga negosyante.
Kahit maging batas na ang Bayanihan to Heal as One ay hindi pa rin nito matutulungan ang milyun-milyong maliliit na mga negosyante at milyun-milyong manggagawa.
Iyon ngang naunang batas na Bayanihan to Act as One ay hindi lahat ng mga benepisaryo ay nabiyayaan.