Advertisers
KINUMPIRMA ng Department of Health (DOH) na nakapagtala sila ng 20 minor adverse events following immunization (AEFI) sa unang araw ng pag-arangkada ng COVID-19 vaccination program ng pamahalaan sa bansa nitong Lunes, gamit ang Sinovac vaccine na donasyon ng China.
Ayon kay Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, kabilang sa mga adverse events na kanilang naitala ay kinabibilangan ng high blood pressure, pananakit ng injection site, pangangati, pagkakaroon ng rashes, pananakit ng ulo at nausea o pagduduwal.
Paglilinaw naman ni Vergeire, ang mga ito ay pawang pangkaraniwan at minor na adverse events lamang ng bakuna.
Wala rin aniya silang kinailangang dalhin sa pagamutan at matapos na obserbahan ay kaagad na ring pinauwi sa kanilang mga tahanan.
“All of them are common and all of them are minor adverse events,” ani Vergeire, sa isang virtual briefing. “Wala sa kanilang na-admit, lahat sila ay inobserbahan, na-manage, at after a while they were all sent home.”
Idinagdag din niya na ang pamahalaan at hindi ang manufacturer ng bakuna, ang mananagot para sa AEFI dahil ang mga naturang bakuna ay under development pa lamang at mayroong emergency use authorization (EUA). (Jonah Mallari/Andi Garcia/Jocelyn Domenden)