Advertisers
KINUMPIRMA ng Food and Drug Administration (FDA) na nagpasa ng aplikasyon ang Chinese pharmaceutical company na Sinopharm para sa emergency use authorization (EUA) ng kanilang COVID-19 vaccine sa Pilipinas.
Ayon kay FDA director general Eric Domingo, nitong Lunes ng hapon nang maghain ng EUA application ang Sinopharm o China National Pharmaceutical Group.
Sinisimulan na raw ng ahensya ang pagsusuri sa nilalaman ng aplikasyon.
Matatandaang unang binanggit ni Presidential spokesperson Harry Roque ang impormasyon sa gitna ng “symbolic vaccination” program ng Sinovac vaccine sa UP-Philippine General Hospital kahapon.
Pagmamay-ari ng pamahalaan ng China ang Sinopharm.
Magugunitang kinwestyon ng ilang opisyal ang bakuna ng naturang kompanya matapos aminin ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Disyembre na ilan sa kanyang security personnel ang naturukan na ng Sinopharm vaccine.
Kamakailan naman nang aminin ni special envoy to China Ramon Tulfo na naturukan na rin siya at ilang miyembro ng gabinete ng Sinopharm vaccine noon pang nakaraang taon.
Ayon sa Department of Science and Technology, umatras ang Sinopharm sa interes nitong magsagawa ng Phase III clinical trials. Gusto raw kasi ng kompanya na pamahalaan ng Pilipinas ang gagastos sa isasagawa nilang pag-aaral ng bakuna sa bansa.
Una nang binigyan ng “compassionate special permit” ng FDA ang 10,000 doses ng Sinopharm vaccine matapos mag-apply ang Presidential Security Group noong Pebrero.
Patuloy na iniimbestigahan ng ahensya at Department of Health ang naganap na bakunahan noong nakaraang taon gamit ang naturang Chinese brand.