Advertisers
Pampanga – Aabot sa P21.5 milyon pisong halaga ng illegal drugs ang nakumpiska sa pito katao ng pinagsanib na puwersa ng PNP, PDEA at BOC sa bayan ng Lubao at Mabalacat sa lalawigang ito.
Sa report na nakarating sa tanggapan ni PNP Regional Director BGen. Rhodel Sermonia, kinilala ang limang nadakip na sina Joshua Bautista 20; William Valencia, 41; Raphy Quiboloy, 30; Patrick Bagang, 35; at Katrina Legaspi, 36, alyas Charmaine Valencia, pawang residente ng Pampanga.
Ayon kay PDEA Director General Wilkins S. Villanueva, at PDEA-3 Regional Director Christian Frivaldo, ang 5,000 tableta ng ecstasy na nagkakahalaga ng P8,500,000.00 ay nagmula sa Netherlands na naka-consigned kina Joshua Bautista at Charmain Valencia Bacani.
Samantala, arestado naman sa isang checkpoint sa Clarkfield ng Mabalacat City ang dalawang lalaki na lulan ng kulay puting van sakay ang 107 bricks ng pinatuyong dahon ng marijuana mula sa Tuguegarao City na tumitimbang ng 113 kilo at nagkakahalaga ng P13 milyon.
Kinilala ang mga nadakip na sina Morgano Manalastas at Ronald Miranda, 40-anyos, kapwa taga-Balibago, Angeles City.
Nabatid na hindi umano pumayag na ma-inspection ng mga tauhan ng CDC-PSD ang naturang sasakyan, dahilan para ialerto ng mga awtoridad sa lugar na nagresulta sa pagkakadakip ng dalawa. (Thony D Arcenal/Mark Obleada/Jo Patrico)