Advertisers
PATAY ang apat na miyembro ng teroristang Dawlah Islamiyah Nilong group nang mauwi sa engkuwentro ang pagsisilibi ng mga pulis ng warrant of arrest sa bayan ng Polomolok, South Cotabato.
Kinilala ang mga napatay na sina Muad Naji, Noel Castrana, Amir Paglangan at Otto Alangan, pawang residente ng Purok Maguindanao, Barangay Lumakil.
Nadakip din sa nasabing operasyon si Daryl Sumbreal.
Sa report, 6:00 ng umaga ng Sabado nang maganap ang insidente.
Ayon sa ulat, target ng mga otoridad ang isang Sadan Macabangin na may warrant of arrest sa mga kasong murder, attempted murder at robbery.
Pero nang papalapit na ang mga pulis sa pinagtataguan ni Macabangin ay sinalubong sila ng mga putok ng baril. Kaya gumanti ang mga pulis ng putok, kungsaan nabuwal ang apat na terorista at nahuli si Sumbreal na hawak-hawak pa ang isang shotgun.
Sinasabing si Sumbreal ay eksperto sa paggawa ng bomba.
Nakatakas naman habang nagkakaputukan ang target ng pag-aresto na si Macabangin.
Ang grupo ni Macabangin ang itinuturo sa naganap na pananambang sa dalawang pulis sa Polomok.(PTF team)