Advertisers

Advertisers

Angel, Cristine, Alden at Arjo, pararangalan sa 5th Film Ambassadors’ Night

0 366

Advertisers

Ni ARCHIE LIAO

SINA Angel Locsin, Arjo Atayde, Alden Richards, Cristine Reyes at Dingdong Dantes ay ilan sa mga artistang bibigyan ng pagpupugay ng Film Development Council of the Philippines ngayong taon.

Ang taunang pagkilala na ito ay isinasagawa ng ahensya ni FDCP head Liza Dino-Seguerra para bigyan ng pagpupugay ang mga alagad ng sining sa kanilang ambag para maisulong ang pelikulang Pilipino. Kasama rin dito ang mga miyembro ng film community na humakot ng award at nagbigay ng karangalan sa bansa sa mga prestihiyosong film festivals sa buong mundo.



Sa A listers  ay pasok sina Lav Diaz at Rafael Manuel.

Si Lav ay nagwagi ng Orizzonti Award bilang Best Director sa pelikulang  “Lahi, Hayop (Genus Pan)” sa 77th Venice International Film Festival sa  Italya samantalang si Manuel ang nag-uwi ng Berlinale Shorts Silver Bear Jury Prize para sa short na “Filipiñana” sa 70th Berlin International Film Festival sa Germany.

Sa Actors category naman ay namumukod-tangi si Arjo na itinanghal na Best Actor para sa “Bagman” sa 3rd Asian Academy Creative Awards sa Singapore, samantalang sina Alden at Dingdong ay nakakopo ng Asian Star Prize para sa “Hello, Love, Goodbye” at “Descendants of the Sun” sa Seoul International Drama Awards.

Sa Cinemadvocates category naman ay kinikilala ang naging kontribusyon nina Angel Locsin, Dingdong Dantes at Pangasinan 4th district Representative Christopher de Venecia.

Ilan pa sa awardees sina Cherie Gil, Alfred Vargas, Angel Aquino at Ronwaldo Martin na nagwagi ng best ensemble performance para sa “Kaputol” sa 4th Innuendo International Film Festival sa Milan, Italy, Lovi Poe at Allen Dizon na itinanghal sa best actress at best actor para sa pelikulang “Latay” sa International Film Festival Manhattan sa Estados Unidos, Elijah Canlas na wagi bilang best actor sa “Kalel, 15” sa 17th Asian Film Festival sa Rome, Italy, Louise Abuel na tinanghal na best actor para sa “Edward” sa 18th Dhaka International Film Festival sa Bangladesh, Isabel Sandoval na nag-uwi ng best actress award sa 18th Pacific Meridian International Film Festival sa Russia, Ruby Ruiz na nanalong best actress sa Harlem International Film Festival 2020 sa New York sa Estados Unidos at 6th Herat International Women’s Film Festival sa Afghanistan para sa Cinemalaya movie na “Iska” at Cristine Reyes na nag-uwi ng best actress trophy sa 40th Fantasporto International Filmfest sa pelikulang “Untrue.”



Sa filmmakers, bibigyan ng pagpupugay  sina Maria Dianne Ventura (best director para sa “Dein Fabre”, 5th Calella Film Festival sa Spain), Mallorie Ortega (Emerging Filmmaker Award para sa “The Girl Who Left Home” sa 36th Los Angeles Asian Pacific Film Festival, USA) at  Derick Cabrido (best director para sa “Clarita”, 40th Fanstasporto International Film Festival sa Portugal).

Sa feature films, pararangalan ang “Sunshine Family” na waging best drama sa Korea UHD Awards 2020 sa South Korea, “Write About Love” na nakasungkit ng ABC TV Award sa Osaka Asian Film Festival 2020 sa Japan,”Latay” na nagwagi ng Gold Award sa 2nd Wallachia International Film Festival  Romania, Pan de Salawal na tinanghal na best international film sa FesticineKids 22 sa Cartagena, Columbia,  Lingua Franca na nanalong best international narrative sa 15th Tel Aviv International LGBT Film Festival sa Israel at John Denver Trending na tinanghal na special jury prize, audience at crtics’ choice awardee sa 26th Festival International Des Cinemas D’Aise sa Vesoul, France.

May special awards din sa short films, documentaries at iba pang larangan ng filmmaking. May special citations din sina Gerry Ballasta at Luisito Lagdameo Ignacio. Recipient naman ng Camera Obscura Artistic Excellence Award sina Jun Juban at Teddy Co.

Gabay ng Industrya awardees naman sina Gloria Romero at Romy Vitug.

Ang star-studded na  5th Film Ambassadors’ Night ay gaganapin sa isang virtual event sa Pebrero 28.