Advertisers
INSPIRASYON SA BUHAY: “… Mga kapatid, alalahanin ninyo ang inyong katayuan noong kayo’y tawagin ng Diyos. Ayon sa pamantayan ng tao ay iilan lamang sa inyo ang matatawag na marunong, makapangyarihan at maharlika. Subalit pinili ng Diyos ang mga naturingang hangal sa sanlibutan upang hiyain ang marurunong, at pinili niya ang mga naturingang mahihina upang hiyain ang malalakas…” (1 Corinto 1:26-29, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
VIDEO NI DIGONG, ET. AL., DI NAKAKATUWA KUNDI NAKAKATAKOT: Napanood na ba niyo yung video na kumakalat ngayon sa mga social media platforms na nagpapakita ng mga mug shots ng matataas na opisyales ng gobyernong Duterte na sabay-sabay umaawit, gaya ng mga videos ng ibang mga singers na kumakanta at tumutugtog sa iba’t-ibang lugar?
Sa unang tingin nakakatuwa yung video, dahil napapanood doon ang Pangulong Duterte, Speaker Alan Cayetano, Health Secretary Duque at ang kaniyang undersecretary, Rosario Vergeire, Sen. Bong Go, Presidential Spokesman Harry Roque, Local Gov’t Secretary Ed Ano, Philhealth chief Ricardo Morales, at NCRPO Covid Task Force chief Gen. Guillermo Eleazar, na di lang sabay-sabay silang kumakanta, kundi sabay-sabay pang ngumingiwi at umaarte.
Pero, sa totoo lang, nakakatakot yung ganoong video. Bakit? Kasi, napapalabas na, sa tulong ng video editing, na nagsasalita ang isang tao, o gumagawa ng isang bagay na di naman talaga niya ginawa, o di nangyari. Maliwanag, magagamit na ito upang makapanira ng tao, lalo na ng mga may kalaban. Lalong gugulo ang mundo.
***
AND KNK: MGA KADUGONG ITINUTURING NA ABA, HUMAHAYO AT NANGANGARAL, GUMAGANAP SA MGA GAWAIN NG DIYOS: SSDSNNJ Amen. Ang ikapitong patotoo ng Bibliya sa Simbahang Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo at sa mga kasapi nitong tinatawag na mga Kadugo ay may kinalaman sa pagkakapili at pagsusugo sa kanila ng Diyos sa mga gawain ng pagpapahayag at pagliligtas, sa Pilipinas at sa buong mundo, kahit na sila ay mga aba lamang sa lipunan.
Ang ikapitong patotoong ito ay may dalawang bahagi. Ang una ay ang pagkakapili at pagsusugo ng Diyos sa mga Kadugo sa Kaniyang mga gawain ng pagpapahayag at pagliligtas, sa Pilipinas at sa buong mundo. Ang ikalawang bahagi nito ay ang pagtupad ng mga gawaing ito ng mga Kadugo kahit na sila ay mga aba lamang sa lipunan at sa bayan na kanilang ginagalawan.
Sa unang mga Kalatas Mula sa Mahal na LD, naipaliwanag na natin na ang mga Kadugo ay pinili ng Diyos bago pa man lalangin ang sanlibutan, upang maging kaisa ni Kristo. Ang Diyos ang pumili sa mga Kadugo, hindi ang mga Kadugo ang pumili sa Kaniya.
At pinili ng Diyos ang mga Kadugo kasi sila ang pinili Niyang hahayo at magbubunga. Sila ang nais ng Diyos na humayo upang gawing mga disipulo ni Jesus ang lahat ng mga bansa, babautismuhan ang mga tao sa Ngalan ng Ama, Anak, at Espiritu Santo, at magtuturo sa kanila ng pagsunod sa lahat ng itinuro Niya.
***
MGA KADUGO, PINILI AT ISINUSUGO BAGAMAT ABA: Ang mga Kadugo ang pinili at isinusugong magpangaral ng Salita ng Diyos sa lahat ng dako, sa lahat ng oras, sa kanilang abang kalagayan. Kaya naman, mahalagang maunawaan natin: ano ba ang ibig sabihin ng “abang kalagayan”? Bakit ba mahalaga na maunawaan ng mga Kadugo na aba man ang kanilang kalagayan, pinagkatiwalaan naman sila ng Diyos ng Kaniyang mga gawain tungo sa katuparan ng Kaniyang layunin sa huling kapanahunan?
Sa wikang Filipino, ang ibig sabihin ng “aba” ay mababang katayuan sa buhay, walang yaman, walang lakas, at walang impluwensiya, at itinuturing na mga yagit lamang sa lipunan. Sa madaling salita, ang mga sinasabing aba ay ang mga taong ordinaryo ang buhay, at walang maipagmamalaking anuman, lalo na sa natapos sa pag-aaral.
Dahil diyan, hindi kailanman sila pangangahasan ninuman na pagkatiwalaan ng mga gawaing may halaga, lalo na ang mga gawain ng Diyos tungo sa kaligtasan ng marami. Pero, sa kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos, at sa hiwaga ng Kaniyang pagliligtas, pinili at isinusugo pa rin Niya ang mga Kadugo bagamat halos lahat sila ay aba.
Sa totoo lang, ang higit na nakakarami sa mga Kadugo ay maituturing ngang aba, at sa totoo lang ulit, ay mga tunay na yagit lamang sa lipunan noong una silang tawagin upang maging Kadugo. Walang sapat na kita, walang pinag-aralang mataas, at nakaharap pa sa maraming suliranin sa buhay, kasama na ang mga usaping legal na siyang naging daan ng Diyos upang sila ay tawagin.
***
MGA KADUGONG WALANG PINAG-ARALAN, NANGANGARAL NA SA LAHAT NG DAKO: At ang kamangha-mangha dito, sa hanay ng mga abang Kadugo, umusbong at yumabong ang grupo ng mga Mangangaral na naghahayag ng Salita ng Diyos. Hindi nakapag-aral ng pormal, at ni hindi nakatuntong ng seminaryo, pero nangangaral at nagtuturo na, at nagtatampok at nagtatanggol pa, ng doktrinang si Jesus ang Diyos at Tagapagligtas, at Siyang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo.
Isang himalang matituturing ang nangyayaring ito sa mga Kadugo. Walang ibang simbahan sa Pilipinas at sa buong mundo ang may ganitong pagpapala mula sa Diyos. Ang Simbahang Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo lamang ang pinangungunahan ngayon sa mga gawain ng pagpapahayag at pagliligtas ng mga tao na ni hindi mo aakalaing marunong magsalita kahit konti, lalo na sa harap ng publiko.
Ang nangyayaring ito sa mga Kadugo ay may patotoo mula sa Bibliya, sa 1 Corinto 1:26-29. Sabi sa mga bersikulong ito, maliwanag na ang mga tinawag, pinili, at isinusugo ng Diyos ay ang mga aba upang gumanap ng Kaniyang mga gawain at layunin. Salamat Sa Diyos Sa Ngalan Niyang Jesus, Amen.
***
MAKINIG, MANOOD: “Ang Tanging Daan”, Lunes hanggang Linggo, mula alas 5 ng hapon (oras sa Pilipinas), Bukidnon Radyo Power FM (Valencia City at Lake Seibu, South Cotabato), 95.5 J FM (Dangkagan, Bukidnon), DXMJ 90.3 Sunshine FM (Sumilao, Bukidnon), at sa website ng AND KNK (www.andknk.ph), YouTube (Ang Tanging Daan AND KNK), Facebook pages na www.facebook.com/angtangingdaan, www.facebook.com/attybatas, at sa CATV Cable Channels, Coron, Palawan, at Calamianes Cable TV, sa Calamianes Islands.