Advertisers
ARESTADO ang apat na drug suspects sa magkakahiwalay na operasyon sa Cavite at Nueva Ecija kung saan nasamsam ang P13.5 milyong halaga ng shabu nitong Huwebes.
Kinilala ni PNP Chief, Gen. Debold Sinas, ang mga nadakip na sina Aina Maamor, 20 anyos; Sittie Pagayao, 30; at Michael Romualdez, 33, na naaresto 12:15 ng madaling araw ng Huwebes sa buy-bust operation sa Imus City, Cavite.
Sa report, nasa P6.8 milyong halaga ng shabu na may timbang na isang kilo ang nasabat sa mga suspek.
Nabatid na kabilang sa isang kilalang drug syndicate ang mga suspek na nagpapakalat ng droga sa Metro Manila at Calabarzon.
Ibinuking naman ng mga suspek ang source ng kanilang droga na kinukuha sa isang Jin Chi Chen alyas “Intsik”, isang Chinese national na nakakulong sa Taguig City.
Samantala, nadakip ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang drug courier na nakilalang si Erwin Mariano, 21, sa San Jose, Nueva Ecija.
Nakuha kay Mariano ang 55 kilo ng marijuana na may halagang P6.6 million.
Ayon sa PDEA, drug courier si Mariano sa Cagayan Valley, Central Luzon, Cordillera Administrative Region, at Metro Manila ng isang “Jason”.
Nagsasagawa pa ng followup operation ang PDEA.