Advertisers
TIMBOG ang pitong Chinese nationals dahil sa kasong kidnapping at Serious Illegal Detention.
Kinilala ng NBI-Task Force Against Illegal Drugs (NBI-TFAID) ang mga naaresto na sina Ni Lingkang, Hu Ruiguang, Xiao Hui alyas Xie Chun Hui, Xiao Zi alyas Wang Hao Wei, Xiao Ji alyas Xie Zhi Hong, Ale Wong alyas Wang Xiao Long, at Alang Chen Hai Long alyas Shu Wei Song.
Ayon kay NBI OIC Director Eric Distor, na nakatanggap sila ng impormasyon kaugnay sa pagdukot sa tatlong Chinese national at ikinulong sa Multinational Village, Parañaque City.
Nang makumpirma ang kinaroronan ng tatlong Chinese nationals na dinukot, agad na nakipag-ugnayan ang NBI-TFAID sa lokal na pulisya at security officers ng nasabing village at pinlano ang rescue operation.
Nagawang pasukin ng mga operatiba at nakita ang dalawang Chinese nationals na nakilalang sina Ni Likang at Hu Ruiguang na binabantayan ang tatlo nilang kababayan.
Ayon sa mga biktima, habang nasa loob sila ng kanilang bahay na matatagpuan sa Betlehem St., Multinational; Village, Parañaque City, maraming Intsik ang pumasok at pilit silang isinakay sa isang sasakyan at dinala sa isang bahay na matatagpuan sa No. 2 Judea St., Multinational Village.
Kaagad piniringan ang mga biktima ng mga suspek at pilit na hinihingi ang pera na ninakaw umano sa kanilang boss.
Sinaktan at ikinulong ang mga biktima sa loob ng 2 araw hanggang sa maaresto ang mga suspek ng TFAID.
Sinampahan ng kasong violation of Article 267 (Kidnapping and Serious Illegal Detention) of the Revised Penal Code of the Philippines, ang mga suspek sa Parañaque Prosecutor Office.(Jocelyn Domenden/Andi Garcia)