Advertisers

Advertisers

Pinas masuwerte na hindi agad nakabili ng bakuna – Sen. Go

0 257

Advertisers

“Blessing in disguise.”

Ito ang pananaw ni Senate Commitee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go na hindi kasama sa mga naunang bansang nakabili ng bakuna kontra COVID-19.

Ayon kay Go, makikita kasi ang epekto ng mga bagong bakuna sa mga bansang unang gumamit para na rin sa ika-kakampante ng isip ng mga Pilipino.



Sa kanyang pag-iikot sa buong bansa, napatunayan niyang marami talaga umanong mga Pilipino ang takot na magpabakuna kontra COVID-19 dahil sa pangamba sa side effect nito.

“Kapag may nabalitaan na namatay sa ibang bansa, takot na naman, kaya sabi ko, blessing in disguise… dahil mapapatunayan muna natin at mapag-aaralang muli kung epektibo ba ito sa tao. Makikita natin kung maganda ba ang epekto sa ibang bansa,” wika ni Go.

Ito aniya ang dahilan kaya hinihikayat nito ang mga opisyal na maunang magpaturok oras na dumating na sa bansa ang bakuna para makuha nila ang tiwala ng sambayanan na agad namang tinugon ni Vaccine Czar Carlito Galvez.

Kumpiyansa si Go na makukuha ang tiwala ng mga mamamayan kapag napatunayang epektibo ang mga bakuna lalo na pagkatapos ng clinical trial na isasagawa sa bansa kung saan tatlong kumpanya ang nag-apply para sa approval ng pagsasagawa nito sa bansa.

“Magkakaroon din tayo ng clinical trial, makikita natin na strategic po itong clinical trial. ‘Yung rising cases po sa community, doon po ilalagay ang clinical trial. Siguro, dahan-dahan na natin makukuha ang kumpyansa kapag napatunayan nating epektibo ang bakuna,” saad ng senador.



Kinalma rin ni Go ang sambayanan kasabay ng pagtiyak nito na palaging binabalanse at kapakanan ng sambayanan ang inuuna ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bawat desisyon na ginagawa nito.

“Kaya binabalanse ng ating mahal na Pangulo [Rodrigo Duterte] ang lahat. Lalung-lalo na po ‘yung mga talagang apektado at ‘yung mga nawalan ng trabaho. Iyon po ang inuuna ng ating gobyerno. Ina-address ngayon kung ano pong puwedeng maitulong,” dagdag pa ng senador. (Mylene Alfonso)