Advertisers
MABUTI pa ang galunggong, nasasabihan ng “MAHAL”.
Kung pamilyar kayo sa mga kanta ni Gary Granada, tiyak na napamahal na kayo sa talas at saya ng linya ng kanyang mga komposisyon. Masasabi ko na siya ay musical genius, comedian, and political activist rolled into one. Kaya’t hamak na may K siya na maging nominee for national artist kaysa kay Carlo J. Caparas.
Sa mga hindi pa nakakapakinig ng kanyang mga awit at live performance sa video ay sumagguni na lamang kay Youtube o Spotify kung saang channel siya maaring puntahan. Sino ba naman ang makakalimot sa pinasikat niyang “Sana Manalo Ang Ginebra” na nasundan din agad ng “Pag Nananalo Ang Ginebra”? Marami pang kanta si Gary G. na kahit wala sa mainstream ay hindi mawawala ang kapangyarihan katulad ng “Salamat, Salamat Musika”, “Bahay”, “Dam”, “Holdap”, “Babadafbadaf”, “Kung Ayaw Mo Na Sa Akin”, at marami pang iba. At isa sa mga pinakapaborito sa kanya ay ang “Mabuti Pa Sila”.
Hindi ko na ikukwento dito ang laman ng “Mabuti Pa Sila” dahil mas magandang personal nyo siyang marinig at kung kaya, kayo na rin ang kumanta. Tiyak na magugustuhan nyo. Sulit na sulit. Hindi lugi. Mag-subscribe na rin kayo o kaya ay bumili ng original na copy na tiyak ikatutuwa at pasasalamatan ni Gary.
Paumanhin, pero hindi naman talaga si Gary G. kundi chacha ang totoong paksa ko dito. May hearing kasi kahapon sa Kamara De Representantes at ang naging mayor na panauhin ay ang Joint Foreign Chamber of Commerce (JFCC), ang asosasyon ng mga dayuhang mamumuhunan dito sa Pilipinas. Napansin ko kasi na sa buong pagdinig sa panukalang baguhin ang ating Konstitusyon, awang-awa sa kanila ang mga pro-chacha na kongresman dahil daw hindi sila makabili ng lupa at makapag-ari ng 100% ng korporasyon dito sa Pilipinas lalo na sa public utilities, mass media, higher education, at iba pa. At nang ang JFCC naman ang magsalita, awang-awa din sila sa Pilipinas dahil napag-iwanan na raw tayo ng ating mga kapitbahay dahil iniiwasan daw ng foreign investors ang ating bansa dahil sa higpit ng ating Konstitusyon.
Marami na akong naisulat tungkol sa chacha at naipaliwanag ko na ang kalakhan ng aking mga punto laban sa mapanlinlang na argumentong ito. Kung babaybayin natin ang ating kasaysayan, hindi tayo kulang sa “free trade” at “free market”. Ang JFCC, kung bakit narito sila hanggang ngayon, ang mismong patunay na hindi sila bawal. Baka ang mas punto nila ay kulang na kulang pa sila sa pakinabang kahit na 18th century pa lamang ay may Galleon Trade na dito. May Free Trade tayo sa Amerika mula 1900, pumasok sa IMF-WB noong 80s, sa APEC at WTO noong 90s, at ngayon naman ay sa RCEP na pinamumunuan naman ng China. Ano pa ba ang kulang?
Lahat ng unibersidad natin ay hindi naman sosyalismo ang itinuturo kundi kapitaslismo at “free market”. Paanong magiging anti-forein investment ang mga Pilipino? Kahit ako ay hindi anti-foreign investment. Ang napipiling economic advisers ng mga Pangulo ay neoliberal galing sa mga unibersidad kaya’t lahat ay proponent ng free trade at free market. Sa madaling salita, napakatagal na natin sa free trade. Ang wala tayo sa nakalipas na isang siglo, sa totoo lang, ay nationalist development na siyang tinahak ng mga bansa sa Europa, Amerika, Japan at China bago sila naging global power. Kaya nga tayo hindi umunlaad ay dahil naging kolonya nila tayo. Hanggang dito na muna ako sa usapin ng free trade at free market.
Ang mas nakatawag ng aking pansin sa pagdinig kahapon ay ang magkaparehong tono ng JFCC, pro-chacha congressmen, at mga ekonomista. Kulang na lang ay sabihin nila na mahal na mahal nila ang isat-isa. Mahal na mahal ng mga kongresista ang foreign investors at mahal na mahal din ng huli ang Pilipinas, dahilan para sumagi sa isip ko ang kantang “Mabuti Pa Sila”. Napakatamis na pagmamahalan.
Samantalang si Juan at Maria, solong pasan ang mahal na presyo ng mga bilihin. Kulang ang sweldo, walang trabaho, walang kita, walang hazard pay, wala nang ayuda. Wala ring mass testing. Wala pang bakuna.
Mabuti pa sila. May lupa at korporasyon pagkatapos ng chacha. Habang ang 99% ng negosyong Pinoy, hindi na nakaahon sa pagiging micro enterprise sa nakalipas na ilang dekada.
Mabuti pa sila. Nakakapag-chacha pa rin sa panahon ng pandemya.