Advertisers
PINANGUNAHAN ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang pagdiriwang ng ika-120 founding anniversary ng Manila Police District (MPD) nitong Miyerkules ng umaga sa MPD headquarters sa U.N Avenue, Manila.
Bilang bahagi ng pagdiriwang, nagkaroon ng wreath laying ceremony, nag-alay ng bulaklak sa “Heroes Wall” ng mga nasawing miyembro ng MPD habang sila ay tumutupad sa kanilang tungkulin.
Sa maikling programa na may temang “Sang Siglot Dalawang Dekada ng Maipagkakapuri, Pamamarisan at Dangal ng Paglilingkod sa Kamaynilaan na Pinatatag ng Pandemya at Pagsubok”, naging highlights ang pagbibigay ng award o pagkilala sa pangunguna ni Mayor Isko kasama ni Manila Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan sa mga karapat-dapat na MPD personnel at stakeholders lalo na sa panahon ng pandemya.
Sa kanyang talumpati, sinabi ng alkalde na sa kanyang isang taon at 6 buwan na panunungkulan ay ipinagmamalki nito ang mga pulis ng Maynila sa pamumuno ni Brig.General Leo Francisco dahil sa pagpapatupad ng kaayusan at katahimikan sa lungsod.
Muli rin itong nagbabala sa mga kriminal dahil ang mga pulis aniya ng MPD ay hindi napapagod na gampanan ang kanilang tungkulin na naaayon narin sa kanyang mga direktiba .
Nagpasalamat naman si General Francisco sa lokal na pamahalaan dahil sa 100 porsyentong suporta nito sa pulisya ng MPD, kapalit ng maayos nilang pagseserbisyo sa lungsod.
Ayon kay Gen. Francisco, sa kanyang panunungkulan bilang director ng MPD, lalo pa nitong pinaigting ang mga ordinansa sa Maynila at mahigpit ding binabantayan ang health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng Covid-19.(Jocelyn Domenden)