Advertisers
Muling uugong ang isyu ng pagbabalik ng hatol na bitay sa mga nagkakasala sa bayan. Sa pagkakabanggit nito ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa nakaraan niyang SONA, nais niyang ang hatol na bitay ay ipapataw lamang para sa mga drug traffickers na siyang niyang No. 1 na kaaway.
Marahil ay nasa isipan ng Pangulo na parang wala tayong nagagawa sa ating pakikipaglaban sa iligal na droga. At kahit anong paraan na para mapalakas ang kampanya laban sa droga ay namamayagpag pa rin ang mga “tulak” nito.
Totoo namang tila walang silbi ang ating pagsusumikap na malipol ang paglaganap ng iligal na droga sa bansa. Dati rati, gramo gramo lamang ang nahuhuli. Ngayon, ay kilo-kilo na. At halos araw-araw ang balita tungkol dito. Sino nga naman na nasa katinuan ang hindi mapipikon sa ganitong sitwasyon? Parang hindi nauubos ang iligal na droga sa bansa.
Sa mga pantalan, at kahit sa mga paliparan, nababalitaan natin ang bulto-bultong pagdating ng iligal na droga. Nahu-huling iligal na droga ang pinag-uusapan natin dito ha, bakit nagkalat pa rin?
Wala na ngang ibang paraan naisip ang Pangulo kundi ibalik ang hatol na kamatayan sa pamamagitan ng lethal injection. So, ano ang ini-expect o inaasahan natin dito? Eh di kabi-kabila at sala-salabat at magkakasalungat na namang mga argumento sa magagaling nating mambabatas, kritiko, akademiya at simbahan.
Anu’t anuman ang kani-kanilang panig at paniniwala, mahalaga ang naisip ng ating Presidente upang masawata na ang malawak na galamay ng iligal na droga. Kung kamatayan nga naman ang haharapin ng mga “tulak” o mga drug traffickers nito, siguradong magdadalawang isip na ang mga ito.
Maganda nga siguro, para sa mga mambabatas na magpapanday ng batas na ito, ay isama na pati ang mga nasa likuran ng pagtutulak o ng mga drug traffickers. Kapag napatunayan, ay bitay na rin mismo ang hatol sa kanila. Nang sa ganun, ang lahat ng involve sa pagpasok, o paggawa na ng iligal na droga dito sa bansa ay sama-sama na nating iharap kay kamatayan, para matigil na ang kahibangang ito.
Kahibangan naman talaga ang idinudulot ng mga nasa likuran ng pagpapakalat ng iligal na droga, lalo na sa mga mabibiktima o gagamit nito. At hibang talaga ang nagpapakalat nito dahil sa ganda ng kitang bumabalik sa kanilang baluktot na negosyo.
Kahibangan din ang nakikita ko, kung papahabain pa ang pagtatalakay sa muling pagsasabatas ng kamatayang hatol sa mga drug traffickers, sapagkat alam naman natin na salot ito ng lipunan. Kahit nga sa gitna ng pandemiya ay namamayagpag ito. Kaya kamatayan lamang ang makakapagpigil, kundi man ay makakapag-bawas nito sa loob ng bansa.
Bitay din ang kasagutan sa pingon na nating Pangulo na matagal nang nakikipaglaban sa paglaganap ng iligal na droga sa bansa.