Advertisers

Advertisers

Ayusin muna ang water, power rates at iba pa, bago tayo sumayaw ng Cha-Cha

0 341

Advertisers

MAY pakinabang din naman ang kakulitan ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson sa hinalang baka may korapsiyon sa pagbili ng Sinovac na dati’y ang presyo raw ay P1,847.25.

Ngayon, ayon kay Spox Harry Roque, ang halaga ng paboritong Sinovac ay P650 na lang kada isang turok.

Teka, noon ay natsismis na nagpabakuna ng kontra COVID-19 sina Ping at Senate Pres. Tito Sotto.



Kung hinahamon nina Ping at Tito si Preidente Duterte na maging transparent, e aaminin na rin ba nila na sila na nabakunahan na?

***

Kulelat si Ping sa survey ng mga presidentiables.

Mas mabuting ‘wag na siyang mag-ambisyong maging presidente tulad ni Sen. Dick Gordon na kulelat din sa survey.

Bakit di na lang siyang tumakbong governor at subukang buwagin ang Remulla dynasty sa Cavite.



***

Economic provisions lang daw ang kakalikutin nila, sabi ni Speaker Lord Allan Velasco, pero marami ang nagdududa na pag nabuksan ang Saligang Batas, ang amyendahan ay mga batas na papabor lamang sa kanilang mambabatas at mga pamilya ng mga politiko.

Duda rito sina Constitutional law professor Tony La Viña and political science professor Jean Franco dahil ang mga politiko raw ay mahirap pagtiwalaan.

“Nobody can limit whatever changes people can propose,” sabi ni La Viña na posible na alisin na ang term limit ng Pangulo, at mga mambabatas at mga lokal na opisyal.

Tama si La Vina, kasi inutusan na nga ng Konstitusyon ang Kongreso at Senado gumawa ng batas kontra political dynasty, pero sa loob ng 30 taon, mula noong 1987, ni kapirasong batas, walang naipasa ang mga mambabatas.

Natural na hindi sila gagawa ng batas na tatapos sa kanilang interes.

***

Sa pag-amyenda raw ng economic provisions, malulutas ang mga problema ng masamang epekto ng pandemyang COVID-19, sabi ng mayorya sa Kamara.

Pero hindi naniniwala si Deputy Speaker Rodante Marcoleta na sa pagluluwag ng economic restrictions, malulutas ang problema sa lugmok na ekonomya ng bansa – gawa ng COVID-19.

Hindi rin daw sa pagbibigay ng mas maluwag na insentibo ng batas ay magkukumahog na ang direct foreign investment (DFI) sa bansa.

Hindi lang pagluluwag ang aakit sa DFI, sabi ni Marcoleta kungdi ang reporma sa burukrasya.

Ilag ang mga investor sa dami ng rekisitos bago maaprubahan ang isang negosyo, bukod sa talamak ang korapsiyon.

Mula sa national government, katakot-takot na ang red tape at requirements, documentation at kailangan pa ang padrino na ang katapat ay suhol na malaking halaga.

Maasahan at mababang halaga ng water and power rates, efficient and cheap internet connections, mahusay na infrastructure, labor incentives, peace and order at maayos na traffic.

Mas matindi ang restrictions sa China at iba pang bansa sa Asia, pero bakit duon sumisiksik ang FDI at hindi sa Filipinas?

Kasi sa buong Asia, tayo ang may pinakamataas na electric at water rates – na madalas ay hindi pa maaasahan kasi patay sindi.

Kulelat tayo sa internet speeds na ngayon, ang transaction sa negosyo ay madalas ay ginagamitan ng maayos, mabilis at maasahang internet speeds.

Kahit maluwag ang economic restrictions kung kupal at kupad pa rin ang PDLT-Smart at Globe Telecommunications, walang malalaking dayuhang magkakandarapa na mag-invest sa atin.

Kastiguhin muna ng mga mambabatas ang dalawang giant telecommunications bago kalikutin ang Konstitusyon.

Kumusta ang peace and order?

Takot sa welga ang mga investor; ayaw nila sa bansang may terroristang tulad ng CPP-NPA-NDF.

Magtatayo sila ng negosyo, e bobombahin lang at kikikilan sila ng tropa ni Joma Sison, e bakit pa sila mag-iinvest.

Paano gagalaw ang industriya kung matrapik at ang mga infrastructure projects ay laging kinokontra ng oposisyon.

Magulo ang politika sa bansa na laging ang gusto ng talunan sa eleksiyon ay guluhin at ibagsak ang nasa poder.

Kahit maluwag pa sa bagong panganak ang economic provisions ng bansa, kung mananatili ang terrorismo, rally, kupal at kupad na internet connections, super mahal ng tubig at koryente at walang maayos na komunikasyon at transportasyon, di rin tayo dadayuhin ng mga investor.

Maliwanag ba, Senate President Tito Sotto at Speaker Velasco.

Nagbabasa ka ba ng kolum na ito, MV Panganiban ng Meralco, PLDT-Smart-Maynilad at pamilya Ayala ng Manila Water, Globe at iba pang negosyo?

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.