Advertisers

Advertisers

P100 kampanya para Leni

0 5,279

Advertisers

NAGSIMULANG makilala ang pangalang Leni Robredo sa isang national survey kung saan nakakuha ito ng nakakadismayang isang porsiyento (1%) ng populasyon na mukhang galing pa sa bayan na kanyang pinagmulan. Tinabunan ito ng mga pangalan ng pulitiko na talaga namang kilala sa bansa dahil laging laman ng mga pahayagang pambansa.

Walang putok ang pangalang Leni Robredo kundi pa nadikit sa pangalan ng tumakbo sa pagka panguluhang si Mar Roxas. Walang mukha ang pangalan Leni kung hindi mababanggit ang Robredo na pangalan ng kanyang yumaong kabiyak na talaga namang mapagmamalaki dahil sa husay nito bilang Mayor ng Naga City at Kalihim ng DILG. Hindi malaman ng marami kung bakit ito ang napiling kasama ni Mar Roxas bilang Bise-Presidente gayung maraming mas malalaking pangalan ang meron ang lapian na kanilang kinaaniban.

Tila ginawang pang puno upang masabi na kumpleto ang line-up ng kanilang lapian ang pangalang Leni Robredo at isinandal sa magandang pangalan ng kanyang yumaong asawa. At ng maghalalan gumawa ng milagro at malaking upset sa ngalan ng halalan ang pangalang Leni Robredo ng talunin nito ang mga Marcos, Escudero at Cayetano at lumabas na nanalo sa halalan bilang Bise-Presidente. Marami ang nagulat sa naganap na milagro, at ang milagro ng ito’y isa nang kasaysayan.



Sa lumalapit na panibagong halalang pambansa, maraming mga pahayag ang talaga namang nabibigay pansin at pahiwatig sa mga galaw ng mga pulitiko para sa parating na halalang pambansa. Kung kay Mang Juan lang talagang ubod ng tagal pa ito, subalit mukhang daig ng maagap ang masipag. Kaya’t ang paghuhubog ng partido upang pumalaot para sa 2022 ay nagsisimula na lalo na sa mga ambisyosong naibigan ang puwesto sapagkat kalakip nito ang sarap ng buhay at katanyagan.

Nariyan din ang mga hindi pa nagpapahayag subalit dahan-dahan ng ginagapang ang mga lugar na sa tingin nila’y balwarte ng posibleng makalaban. Makikita na dala nito ang iba’t – ibang ayuda na ipinamamahagi at pangakong uunahin ang lugar na kanilang mga binisita o binibisita. O di ba, maaga pa nangangampanaya na? Wala pang nilalabag na batas ng kampanya, ano masasabi mo Bongoloid.

Kamakailan, nagpahayag si Totoy Kulambo na hindi niya hihikayatin si Inday Sapak na tumakbo sa panguluhan dahil hindi pambabae ang pagkapangulo at lubhang mabigat ito sa kababaihan. Hindi niya nais maranasan ng anak ang mga paninirang halos ‘di niya malunok, dahil isinusuka at sising-sisi si Mang Juan.

Subalit sa isang panig ng grupo ng Davao, mapapansin na inilulutang na ang mga pangalan bilang mga posibleng kakandidato para sa pangulo, ito ba ang ayaw? Tila hinihila ng bawat dulo ang pahayag upang pulsuhan ang bayan kung talagang may pag-asa ito sa darating na halalan. Ayun ngalan, alam na ng bayan na ang lahat ng pahayag ni Totoy Kulambo’y walang katotohanan at tila naka sulat sa tubig na walang linaw.

Ngunit iba ang basa ng Batingaw sa mga pahayag na ito ni TK, parang pinariringgan nito si Busy-Presidente Leni Robredo na hindi nito kaya ang panguluhan dahil sa bigat na nakapatong sa balikat ng posisyon. At doon siya nagkamali, dahil sa kasaysayan ng bayan, ilang babae na naging pangulo ang nagdala sa bansa upang magkaroon ng mataas na pagtingin ni Mang Juan at maging sa ibang bansa.



O’ sadya niya itong binabangit dahil sa takot na kanyang dama na halos nasa kamay na ni Leni Robredo ang tagumpay. Mukhang ang kasaysayan ang magdadala o’ ang tadhana ang maglalagay kay Leni Robredo sa panguluhan pagdating ng ’22.

Ang marubrob na pagtangap ng mga pamayanan na pinuntahan ni Busy Leni, ang bangungot na gumigising kay Totoy Kulambo kaya’t hindi malaman nito kung paano pasasaringan o gigibain ang mainit na pagtangap ng mga Filipino sa Busy Presidente. Malinaw kay TK na hindi tatalunin ng kanyang mamanukin si Busy Leni kahit isang damukal na salapi ang meron sila.

Sa mga pahayag, malinaw na kahit sa ganito kaaga at kahit malayo pa ang eleksyong pambansa maraming mga lalawigan na ang nagpapahiwatig ng suporta at pagkakaisa sa kandidatura ni Busy Leni sa panguluhan. Kaya mo bang talikuran ito mahal na Busy Leni Robredo?

Sa ganitong nakakatabang pusong pahayag, sisimulan ng Batingaw ang isang campaign fund sa pagbigay ng P100.00 upang umpisahan ang isang hakbang kung saan hihikayatin si Busy Leni na harapin at labanan ang walang lalim na kalaban na ang tanging alam ay manuwag ng mga kalaban dahil sa hawak na kapangyarihan. Naniniwala ang Batingaw na si Busy Leni ang salamin na kinatatakutan ni Totoy Kulambo na sa tuwing kanyang kakausapin ang sarili ang pangalan nito ang siyang inuusal.

Takot na ito sa bawat kilos na ginagawa ni Busy Leni kaya’t hindi mapigilan nitong sirain ang loob upang hindi hakbangan ni Busy Leni ang landas patungo sa panguluhan. Subalit, mataas ang sampalataya ng Batingaw at ni Mang Juan na ang katangian ng isang pangulo’y nakapaloob sa isang tao na inaantay lamang ang kanyang tadhana.

Pasimula lang ang isang daan piso na campaign fund para sa isang daan ng liwanag na magbubukas sa kaisipan ng mamamayang Filipino na ang dilim na bumabalot sa bansa’y pansamantala lamang. At ang pagkakaisa ang bawat alitaptap na magbibigay pag-asa at liwanag sa kanilang kinabukasan.

Ang pangalang Leni Robredo na nagsimula sa 1% na liwanag noong nakaraang halalang pambansa ang siyang liwanag na inaasam ni Mang Juan, dahil sa patuloy nitong pagkinang. Kaya sa mamamayang Filipino, kay Mang Juan, Aling Marya at sa balana, ang dahilan upang tayo’y magkaisa’y nariyan na.

Alagaan ang liwanag at palakihin ang bawat maliit nating ambag para sa ating kinabukasan at ng bayan. Sa iyo Busy Leni Robredo nasa harap at likod mo ang taong Bayan. Wala man kaming partido, ngunit ang pagkakaisa namin ang magdadala sa iyo sa ’22.

Maraming Salamat po!!!

***

dantz_zamora@yahoo.com