‘MGA NEGOSYANTE, BUMALIK NA KAYO SA MAYNILA’ – ISKO
Umalis dahil wala ng tiwala sa dating administrasyon:
Advertisers
HINIKAYAT ni Manila Mayor Isko Moreno ang lahat ng mga negosyante na umalis sa lungsod dahil sa kawalan ng tiwala sa nakaraang administrasyon bago pa siya naupo bilang alkalde na bumalik at muling ibigay ang tiwala sa pamahalaang lungsod dahil tapat at matatag ang kasalukuyang administrasyon.
Sa kanyang talumpati sa kabubukas na Coca-Cola distribution center sa Maynila, pinasalamatan ni Moreno ang kumpanya sa pagbalik nito sa lungsod at umaasa na marami pa ang susunod.
“Hinihikayat ko ang mga mamumuhunan na muling pagtiwalaan ang lungsod ng Maynila at ang mga natitira pa na manatili,” sabi ni Moreno .
Binunyag din ng alkalde na isa pang malaking kumpanya ang nakatakdang bumalik sa dati nitong puwesto sa Intramuros matapos umalis dahil sa hindi pagkakaroon ng unawaan sa dating administrasyon, bago pa siya nahalal bilang alkalde.
Umaasa ang alkalde na ang mga negosyong pinili ang Maynila bilang sentro ng kanilang operasyon ay kukuha din ng mga trabahador na pawang residente ng Maynila.
Ayon kay Moreno, may 1,000 negosyo na ang nakapagrehistro sa lungsod sa unang tatlong linggo pa lamang ng Enero ng taong kasalukuyan.
“Please continue hiring the people of Manila,” ayon kay Moreno na nagsabi rin na kung ang 1,000 negosyo ay kukuha ng isang residente bilang trabahador ay mangangahulugan ito ng 1K trabaho para sa mamamayan ng Maynila.
“We are optimistic that one way or another, businesses will bounce back or flourish because there is nowhere else to go, we’re already down,” dagdag pa ni Moreno.
Sinigurado ni Moreno sa mga mamumuhunan na, wala ng puwang ang kawalan ng katatagan sa paglikha ng mga polisiya sa panig ng pamahalaang lungsod upang matiyak na walang sagabal at banayad ang takbo ng mga negosyo sa lungsod. (ANDI GARCIA)