Advertisers
INIHAYAG ni Senator Christopher “Bong” Go na iginagalang niya ang desisyon ni Department of National Defense Secretary Delfin Lorenzana na ipawalang-bisa ang 1989 agreement nito sa University of the Philippines na nagbabawal sa militar at pulisya na pumasok sa UP campuses nang walang koordinasyon.
Sa panayam matapos niyang pangunahan ang distribusyon ng ayuda sa fire victims sa Taytay, Rizal, sinabi ni Go na ang hakbang ni Lorenzana ay upang mapanatili ang mabuti para sa kapakanan ng komunidad at ng mga esudyante na karamihan ay nirerekrut upang sumanib sa mga grupong walang ibang pakay kundi magrebelyon at pabagsakin ang gobyerno.
“Ako naman, nirerespeto ko po ang desisyon ng Secretary of National Defense. Hindi naman po lahat, iilan diyan talagang ginagamit po, nakikita niyo naman po, ilan sa kanila nanawagan na pabagsakin ang gobyerno,” ani Go.
“Alam naman natin na ginagamit din po ang iilan diyan sa loob ng UP para turuan silang pabagsakin ang gobyerno,” idinagdag ng senador.
Ani Go, sinusuportahan niya ang hakbang ni Lorenzana kaya nanawagan siya sa mga estudyante na huwag mangamba kasabay ng pagtiyak na mananaig ang rule of law, partikular ang kapakanan at freedom of expression ng lahat ng Filipino.
“Pero wala naman silang dapat ikabahala. ‘Di naman aabot sa puntong mang-aabuso ang ating mga kasundaluhan. I trust our soldiers. I trust our policemen and women,” sabi ng senador.
Ayon sa mambabatas, palaging paiiralin ng militar at pulis ang rule of law sa pagtupad sa kanilang tungkulin.
“Walang dapat ikatakot. Respetado ang military at kapulisan ngayon,” ani Go.
Kaya naman iginiit ni Go sa mga estudyante at grupo ng mga kabataan na magpokus sa kanilang pag-aaral upang matapos ang kanilang edukasyon nang makatulong sa pamahalaan at magkaroon ng ambag sa bansa bilang mga tinatawag na “iskolar ng bayan.”
“Hindi naman kayo pinag-aral para pabagsakin ang gobyerno, mag-aral po kayo, makapagtapos at tumulong kayo sa ating gobyerno,” sabi ni Go.
“Alam naman natin na ginagamit din po ang iilan d’yan sa loob ng UP para turuan silang pabagsakin ang gobyerno,” aniya.
Umapela rin siya sa mga mag-aaral na igalang ang demokratikong institusyon at panguluhan ni Pangulong Rodrigo Duterte na matatapos hanggang sa 2022.
“Meron naman pong fixed term ang ating Pangulo. Respetuhin n’yo po ito dahil matatapos ang ating Pangulo hanggang 2022. Kung gusto n’yo po, eh, ‘di kayo ang tumakbo pagdating ng 2022. ‘Wag lang pong umabot sa puntong maghihimagsik, aabot na po sa rebelyon, aabot na po sa pabagsakin ang gobyerno,” ani Go.
“Ako naman, nirerespeto ko po ang freedom of expression, karapatan ng ating kabataan, ‘wag lang po pabagsakin ang gobyerno,” aniya pa at sinabing ang freedom of expression ay pangunahing kaparatan na iginagalang at pinorotetahan din ng pamahalaan. (PFT Team)