Advertisers
UMUUSOK na naman ang talakayan sa Charter Change (Cha-cha) nang maikwento ni Senate President Tito Sotto na nais ng Pangulong Duterte na magsagawa ng mga pag-amiyenda sa mga probisyon ng 1987 Constitution.
Iba na agad ang nasa isip ng mga kritiko ng Administrasyong Duterte dito. Nais daw ng pangulo na palawigin pa ang termino nito nang maka-upo pa ng mahaba-habang panahon sa kanyang pwesto.
Hindi po totoo ito. Iba ang hangarin ng Pangulong Duterte sa cha-cha. Ang tanging dahilan niya rito ay buwagin na nang husto ang mala-pugitang galamay ng komunismong sinusulong ng maka-sariling si Joma Sison.
Nais ng Pangulong Duterte na gibain ang mga galamay ng Communist Party of the Philippines-New Peoples Army-National Democratic Fronts (CPP-NPA-NDF) ni Sison, lalo na sa mababang kapulungan ng Kongreso. May pagdidiin ito sa salitang “front”, yun bang iba ang harap yun pala’y kapanalig din.
Gaya na lamang ng tinatawag na ‘Makabayan Bloc’ sa kongreso, na iba iba ang pangalan ng party-list na kinabibilangan at nagpapakilalang kakampi ng mamamayan, yun naman pala’y may kaugnayan sa CPP-NPA-NDF.
Ito ang nais paamiyendahan ng pangulo – ang sistema ng party-list. Dangan kasi, natimbog na, o nahubaran na ng mga mukha ang mga representate ng Makabayan Bloc’, at lahat ay napatunayan nang may koneksiyon sa maka-komunistang-teroristang samahan ng CPP-NPA-NDF.
Kaya nga ang sabi ni “Tito Sen.”, hindi totoo o mangyayari ang agam-agam ng ilan na ang cha-cha ay magpapalawig lamang ng termino ni Pangulong Duterte. Kasi nga naman kulang, ang dalawang taon na lamang na natitira sa mga naka-upong mambabatas kung tatalakayin pa nila ito.
Ang pwedeng mangyari sa punto ng senador na taga-Eat Bulaga ay pag-usapan ang isyu ng party-list system. Tanggalin sa Kongreso ang mga representasyon nito o kaya naman ay baguhin ang mga panuntunan sa pagtanggap ng represetasyon nito upang maiwasan ang maling representasyon gaya ng Makabayan Bloc na wala naman palang ibang nirerepresenta kundi ang maka-komunistang-teroristang samahan.
Siguro naman ay gets niyo na yan. Hindi na paloloko ang bayan, lalo na sa pamumuno ni Pangulong Duterte na payagan pang makasali sa Kongreso ang mga maka-komunistang-teroristang samahan. Di gaya nung dati na nadadaan pa ng mga kaliwang party-list group ang doble-karang diskarte para mabotong party-list representative ng masa, ngayon ay di na ito mangyayari.
Mulat na po ang taong bayan na matagal niyo nang niloloko.
Mangyari man ang sinasabi ni Tito Sen. na pag-amiyenda sa probisyon ng party-list o hindi, iisa lang ang titiyakin ko sa inyo, mga kababayan ko.
Hinding hindi na boboto ang mga Filipino ng party-list na may kaugnayan sa komunistang-teroristang samahan.