Advertisers
NADISKUBRE ng mga awtoridad ang lagpas P23.5-milyong halaga ng party drugs at marijuana na nakasilid sa mga abandonadong padala mula ibang bansa sa kanilang inspeksyon sa Pasay City nitong Miyerkules.
Gumamit ng mga asong K-9 ang mga tauhan ng Inter-Agency Drug Interdiction Task Group ng Ninoy Aquino International Airport sa parcel profiling at sweeping operation sa Central Mall Exchange Center.
Sa pasilidad dumadaan at pinoproseso ang mga padalang inililipad sa Pilipinas.
Walong parcel ang natagpuang naglalaman ng umano’y droga na mga makukulay na tabletang ecstasy.
Sa kabuuan, mahigit 12,000 tableta ang nadiskubre sa mga package.
Ayon kay Director Derrick Carreon ng Philippine Drug Enforcement Agency, unang pinadaanan sa narcotics detection dog ng PDEA ang mga padala.
Binuksan naman ito ng mga examiner ng Bureau of Customs para inspeksyunin kung mapansin ng aso na may kahina-hinalang laman.
Anim sa mga padala ay galing sa iba’t ibang bayan sa Netherlands at dineklarang naglalaman ng kape o kaya breakfast cereal.
Naka-consign ang mga naturang parcel sa iba’t ibang tao sa Maynila, Las Pinas at Laguna.
Mayroon ding itinagong droga sa kahon ng laruan na galing ng Belgium na naka-consign sa isang taga-Angeles, Pampanga.
Idineklara namang may lamang beauty cream ang isang parcel mula California na ipadadala sa Negros Oriental, pero nakitang may 10 vape cartridge na may hinihinalang marijuana oil.
Susuriin ang mga sample ng nasabat sa laboratoryo ng PDEA.
Magsasagawa pa ang ahensya ng follow-up sa mga naka pangalang tatanggap ng mga kahina-hinalang padala.(Gaynor Bonilla)