Advertisers
HINDI maitago ni Mang Juan Pasan Krus ang saya ng malaman na umutang ang pamahalaan ni Totoy Kulambo ng salapi upang magamit sa pag-angkat ng bakuna kontra sa pandemya. Subalit napalitan ito ng samut – saring reaksyon ng malaman nito na sa Tsina aangkat ang bansa ng bakuna.
Bakas sa mukha ni Mang Juan ang pagkadismaya sa balitang ito dahil alam niya na mababa ang kalidad ng mga bagay na gawa sa Tsina. Mula sa maliit at simpleng bagay hanggang sa pinakamalaki, alam niya na mababa ang kalidad at madaling masira.
Nang malaman nito na ang aangkating bakuna’y galing sa Tsina, mukhang nawala ang saya nito at napalitan ng pagdududa. Bakit sa dami ng bakuna sa merkado bakit sa Tsina kukuha? Sa survey na ginawa, talagang inilabas ni Mang Juan ang saloobin na ayaw nito ang Sinovac ng Tsina.
Dahil sa nasabing survey, nagpalabas ang pamahalaan ni Totoy Kulambo sa katauhan ni Haring Shokey na hindi kailangan na maging mapili si Mang Juan sa bakunang ituturok sa kanya kontra pandemya at huwag itong maging pabigat sa pamahalaan.
At nasundan pa ito ng ilang pahayag mula sa ibang opisyal ng gobyerno at maging kay Totoy Kulambo mismo na ang mahirap na si Mang Juan ay walang karapatan na mamili ng bakuna na ituturok sa kanya.
Ang karanasan ang nagsasabi kay Mang Juan na maging mapili dahil sa mga dispalinghadong gamit galing sa Tsina. Sa totoo lang, kilala na ni Mang Juan si Limahong noong araw pa, kaya’t kabisado nito ang kilos at pag-iisip sa ano mang aspeto.
Hanggang sa sarili nating mga isla sa West Philippines Sea iniisahan at inaagawan tayo. Narito ang pinakamabait na kaibigan ni Xi na si TK na talagang ipinagtatanggol pa ang mga kilos sa ano mang nais ng kanyang amo, at kahit walang bayong sa ulo, lantaran ang pagkampi niya. Bakit at ano ang mayroon?
Sa paghahanda ng bansa kontra pandemya, meron ba? Naglabas ang Vaccine Czar na si Gen Galvez ng datos na mura ang halaga ng SINOVAC kumpara sa mga bakuna na nasa merkado. Tama na sana ang binabanggit ni Gen. Galvez, subalit naglabas ng datos ang iba’t – ibang nagmamalasakit na anak ni Mang Juan na makikita na ito ang isa sa pinakamahal na bakuna sa merkado.
Mukhang nagkakabistuhan na dahil hindi pa dumadating ang bakuna ng Tsina na may halagang P6,629.00, may lumabas ng halaga mula sa karatig bansa natin na mahigit P681.00 lamang ang halaga ng bakunang nakuha nito, mapapawow ka sa laki ng tongpats.
Mukhang ang inutang na salapi na ng pamahalaan gagamitin sa bakuna kontra pandemya ang siyang maglulugmok muli sa atin sa kahirapan. At ang bilyon -bilyong piso na kikitain ng mga taga pagpadaloy nito patungo sa bansa’y tiyak na maglalagay sa kanila sa Guiness Book of World Records sa pinaka malaking kickback sa kasaysayan ng mundo.
Maaatim ba ninyo ito? Sinu-sino ba kayo? May gagamitin na sa halalang 2022?
Sa pag-angkat ng mahal na bakuna na may pinaka malaking kickback sa kasaysayan, hindi nasiyahan at nagpatutsada pa si Haring Shokey at galit pa ang gaga. May colonial mentality daw si Mang Juan dahil ayaw nito ang SINOVAC.
Hoy, magpakatotoo ka Mars, sa pag-aaral na ginawa at inilabas kamakailan sinasabi na ang efficacy rate ng bakunang Intsik ay 50.4% lamang. Pinakamababa sa lahat ng bakuna na mabibili sa merkado at binabanggit mo, ang mga katagang iyan.
Di ba kayo ang nasa tamang poder na magdesisyon ng tama sa kagalingan ng bansa at ni Mang Juan. Balikan mo ang iyong kinalakihan ng makita mo ang landas sa katotohanan. O talagang kinain ka na ng posisyon, ambisyon at kita kaya napariwara at nagbago ng pananaw. Sapat ng kaunting kita para sa kalusugan ng kaluluwa.
Sa kabila ng mga balita, hinggil sa pag-angkat ng bakuna, nais ng Batingaw na paalalahanan si Mang Juan na kung nabakunahan na kontra C-19 hindi agad ito tatalab. Huwag pakampanteng kaagad dahil ayon sa pag-aral kinakailangan ng dalawa hangang sa tatlong linggo pagkatapos ng pangalawang turok para umepekto ang bisa ng bakuna sa katawan.
Kaya’t ating ibig iparating na kung maturukan na ng una at pangalawa, kailangan pa rin ang kinagawiang hugas, iwas at facemask upang masiguro ang kaligtasan. Huwag ipagwalang bahala ang kalusugan o iasa sa mga taong wala ng suot na bayong sa ulo ang ating kalusugan. Nasa ating mga kamay ang ating kaligtasan.
Sa ibang balita, ano ang katotohanan sa pagliban ni Gen. Ano bilang kalihim ng DILG? Walang nagsasabi kung ano ang dahilan nito gayung isa ito sa pinakamalapit kay Totoy Kulambo. Walang paliwanag na binabanggit hingil sa kanyang pagliban.
Covid-19 ba o lumihis na ng landas dahil sa dami ng kapalpakan na nagaganap na hindi na niya masikmura?. O baka ayaw mong makasama sa isang gusali si Wiguire? Ipaliwanag ito Gen. Ano, hintayin namin.
Maraming Salamat po!!!
***
dantz_zamora@yahoo.com