Advertisers
INIHAYAG ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpapahuli na lamang siya magpaturok ng bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa kanyang weekly address, sinabi ng Pangulong Duterte na mauunang mabakunahan ang mga frontliners at mga vulnerable sector, at kabilang na raw siya sa mga huling tuturukan.
“Priority is uniformed personnel, mga sundalo natin, kasama sa priority, mauna talaga yung pobre, yung wala talaga. Kung milyon ‘yan (vaccine), magsabay-sabay na kayo, huli na kami. Kung may maiwan para sa amin kay (Senator) Bong (Go), kay (Secretary Delfin) Lorenzana, kung may maiwan eh di para sa atin, unahin natin sila,” wika ni Pangulong Duterte.
Matatandaang, noong Agosto 2020 ay inihayag ng Punong Ehekutibo na handa raw ito na maunang mabakunahan ng covid-19 vaccine na gawang Russia kapag dumating na ito sa Pilipinas.
Samantala, maliban sa mga medical workers, kabilang din aniya sa mga priority sectors sa inoculation program ang mga guro, social workers, at iba pang mga kawani ng pamahalaan, kabilang ang mga nasa sektor ng agrikultura, turismo, at pagkain.
Tiniyak din ng Pangulong Duterte na walang mangyayaring diskriminasyon sa pagtuturok ng mga bakuna at iginiit muli na mauuna ang mga nasa vulnerable sector. (Vanz Fernandez)